DSWD NAGBABALA SA PAGKALAT NG PEKENG SOCIAL MEDIA PAGES UKOL SA SAP

DSWD

Nanawagan ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging mapanuri hinggil sa nagkalat na mga social media page at group na nagbabahagi ng mga pekeng impormasyon ukol sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan bilang ayuda sa nagpapatuloy na COVID-19 crisis.

Sa inilabas na kalatas ng DSWD, sinabi nito na maaaring ginagamit lamang ang mga naglipanang pekeng social media pages at groups para makakuha ng ilang mga personal na impormasyon sa mga kakagat dito na siya namang gagamitin ng mga online scammer sa pagnanakaw.

Sinabi ng DSWD na sa mga lehitimong source, website, o mga verified accounts lamang ng pamahalaan tumingin ng update hinggil sa pamamahagi ng SAP at hindi sa kung ano-anong social media pages, maging ang paulit-ulit na kanilang paalala na huwag ipagbigay alam sa iba ang M-PIN  at  one-time-password na ginagamit sa pag-claim ng naturang ayuda.

Mas paiigtingin pa ang ginagawang kampanya para magbigay impormasyon sa publiko hinggil sa mga nauusong mga paraan ng pang-ii-scam at kung papaanong makaiwas dito.

Isang ginang na taga-Quezon City ang dumulog sa Pilipino Mirror kaugnay sa umano’y pang-ii-scam sa kanyang SAP.

Inakala ng 23 anyos na si Lisa Soriano na ang kausap niya sa messenger ay lehitimong taga-DSWD na humingi ng kanyang buong pangalan at M-PIN ng kanyang G-cash upang maipadala na umano rito ang P8, 000 second tranche ng SAP.

Bantulot man ay ibinigay pa rin ng ginang ang hinihinging M-PIN.Ilang sandali pa ay nag-check ito sa G-cash at dito nalaman niyang nasimot na ang kanyang ayuda.

Walang nagawa si Gng. Soriano kundi ang magreklamo  sa kanilang barangay at mag-reset ng M-PIN ng kanyang G-cash. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.