ALBAY- IPINAHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan sa Albay na nakatutok na ang regional office nito sa Bicol para sa anumang ‘worst case scenario’ ng Mayon Volcano.
Ayon sa DSWD, tinawagan at nakausap ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sina Albay Governor Edcel Greco Lagman at ilang kongresista sa lalawigan kung saan siniguro nitong matagal nang naka-preposisyon ang mga kakailanganing relief goods sa iba’t ibang strategic warehouses sa Albay.
Maging si DSWD Field Office V Regional Dir. Norman Laurio ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga alkalde sa lalawigan bilang bahagi ng paghahanda sa pagkakasa ng relief operation.
Sa kasalukuyan, nakapag-preposisyon na ng inisyal na 102,000 family food packs (FFPs) sa warehouses na malapit sa mga munisipalidad na naapektuhan ng unang mag-alburoto ang bulkang Mayon noong 2018.
Kabilang dito ang Guinobatan, Camalig, Daraga, Tabaco City, Malilipot, Sto Domingo, Bacacay, Ligao City at Legaspi City.
Tinukoy din ng DSWD Bicol Regional Office na batay sa datos noong 2018 Mayon eruption ay ang Guinobatan at Camalig ang maaring magkaroon ng malaking bilang ng evacuees. EVELYN GARCIA