DSWD SEC. GATCHALIAN LUSOT NA SA CA

KINUMPIRMA na ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Rex Gatchalian bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa dalawang oras na pagdinig ng panel ng CA, sinalubong si Gatchalian ng suporta at paunang pagbati mula sa mga kongresista at senador.

Kasama sa mga isyung sinagot ni Gatchalian ang tungkol sa patuloy na tulong para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at mahihirap na pamilya.

“Once they graduate from 4Ps, they’re now called non-poor. Pero nandoon sila sa near-poor na line. That’s around families making P15,000 to P18,000 supposedly. We saw in COVID that one shock – a death in the family, a lockdown, or a natural disaster – will slip them back to poverty,” wika ni Gatchalian.

Sumang-ayon din siya sa mga pag-aaral na ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay nagsisilbing “saklay” ng mga mahihirap at halos mahihirap na pamilya.

“There are multiple studies from the ADB that says our near-poor are also poor. And we’re failing to take care of them… So now we’re about to share P16 billion – if I’m not mistaken – for our 4Ps graduates as well as our near-poor,” saad ng kalihim.

Kaugnay nito, humihingi rin si Gatchalian ng P27 na badyet per head para sa feeding program ng ahensiya, mula sa kasalukuyang alokasyon na P21 per head.

“We would again push for P27 because iyong P21 is not enough. Parang ang nangyayari lang, nilagyan natin ng pondo para masabing may feeding program tayo,” sabi pa ni Gatchalian.

Nauna rito, sa pagsalang sa komite ng CA, inihayag ni Gatchalian na mag-i-invest din ang ahensiya sa mga programa para sa human capital, pagwawakas sa kagutuman, pagpapanumbalik ng dignidad sa social welfare at pag-digitalize sa mga proseso sa aplikasyon at pagkuha ng mga benepisyo.

Sinabi pa ni Gatchalian na ipagpapatuloy rin ng DSWD ang social protection programs at palalawakin din ang mga programa para mas makahikayat ng maraming social workers.

Samantala, nabusisi naman ang kalihim ng mga miyembro ng CA kaugnay sa mga policy program at reform ng DSWD, ang status sa kaso nito sa Ombudsman tungkol sa housing cooperatives noong siya ay alkalde pa ng Valenzuela at iba pang plano ng ahensiya at ang pagiging eligible bachelor nito.

Matatandaang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Gatchalian bilang DSWD secretary matapos ma-bypass ng CA ang kumpirmasyon ng noo’y DSWD chief broadcaster na si Erwin Tulfo.

Kinumpirma rin kahapon ng CA ang ad interim appointment ng 50 matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines. VICKY CERVALES