DSWD TUMANGGAP NG DONASYONG BIGAS SA BOC

ZAMBOANGA CITY- INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatanggap sila ng donasyong mga bigas mula sa Bureau of Customs (BOC).

Pinangunahan ni DSWD Usec. for Operations Monina Josefina Romualdez ang pagtanggap ng donated bags ng Alas Jasmine Fragrant Rice sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) noong Setyembre 7.

Ayon sa DSWD, nasa kabuuang 42,000 bags ng Jasmine Rice ang ibinigay ng BOC na bahagi sa mga nakumpiska mula sa isang raid na ikinasa sa warehouse sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City noong Mayo.

Ang mga bigas ay ipinamamahagi na ng DSWD katuwang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mahihirap na pamilya sa Zamboanga ngayong araw.

Nagkaroon din ng simultaneous distribution sa mga munisipalidad ng Tungawan at Sibuco at sa Zamboanga City.

Pagtitiyak ng DSWD, unang batch pa lang ito ng mga pamilyang makikinabang sa donasyon ng BOC dahil target itong palawakin pa ng ahensya hanggang maabot ang higit 42,000 ring pinakamahihirap na pamilya. EVELYN GARCIA