KINUMPIRMA ni Trade Secretary Ramon Lopez na nagpositibo siya sa COVID-19 makaraang makahalubilo ang isang virus carrier noong isang linggo.
Sinabi ni Lopez na noong Linggo, Disyembre 6, ay isinailalim siya sa RT-PCR test at noong Lunes, Disyembre 7, lamang niya natanggap ang resulta na positibo siya sa naturang sakit.
Ayon kay Lopez, noong nakaraang Martes, Disyembre 1, ay nagkaroon siya ng exposore sa isang nagpositibo sa coronavirus kaya naman noong Disyembre 5 ay nagpa-swab na agad siya.
“I had myself swabbed Sunday after exposure last Tuesday from a person who tested positive” sabi ni Lopez.
Paglilinaw ni Lopez, asymptomatic ang estado ng kanyang pagiging positibo sa COVID-19 na nangangahulugang wala siyang nararamdamang sakit gaya ng pagkakaroon ng pang-amoy at panlasa subalit siya ngayon ay nag-self quarantine na.
Pinawi rin ng kalihim ang pangamba ng mga malapit sa kanya at tiniyak na nasa mabuti siyang kalagayan at nasa isolation lamang upang hindi makahawa.
Si Lopez, 60, ang pinakahuling miyembro ng Gabinete na nahawaan ng virus. Ang iba pa ay sina Interior Secretary Eduardo Año, Education Secretary Leonor Briones, at Public Works Secretary at isolation czar Mark Villar. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.