NAGPAHAYAG ang Department of Trade and Industry (DTI) na palalawakin pa nila ang listahan ng mga brand ng mga produktong isasailalim sa suggested retail price (SRP).
Nangangahulugan ito na kung dati ay pitong brand lang ng sardinas ang binabantayan ng DTI, gagawin na nila itong 18, kabilang ang mga kilalang brand.
Bukod sa sardinas, dagdag pa rito na babantayan ay mga brand ng gatas, kape, at mga sawsawan.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, layon ng expanded SRP na mabigyan nang mas maraming pagpipilian ang mga mamimili.
“Nilawakan natin ang choices ng consumers para iyong mga presyo nito, alam natin na ito dapat ‘yong presyo na suggested, na ibinibigay natin sa merkado. Mas marami na ngayon silang pagpipilian,” ani Castelo.
Ilalathala sa mga diyaryo sa mga susunod na araw ang listahan ng expanded SRP at sisimulan itong ipatupad sa Lunes.
Ikinatuwa naman ito ng ilang mamimili dahil kailangan daw talagang bantayan ang nagtataasang presyo ng bilihin.
“Good for us kasi talaga namang dapat may protection talaga sa atin,” sabi ng isang mamimili.
“Para at least mabantayan din ng government at mamimili iyong mga price increase,” pahayag ng isa pang mamimili.
Pero kontra sa hakbang ang mga manufacturer ng de-lata, partikular ang mga manufacturer ng sardinas, dahil pati raw premium brand ay isinali sa expanded SRP.
“Kasi ‘pag nag-SRP, kapag gumalaw ang presyo, kailangan kang mag-advise sa kanila and then they do not approve,” ani Francisco Buencamino, executive director ng Tuna Canners Association of the Philippines.
Humiling kamakailan sa DTI ang mga manufacter ng de-latang karne at sardinas ng panibagong dagdag-presyo, na ayon sa ahensiya ay pag-aaralan muna nila.
Idinadahilan ng mga manufacturer ang pagmahal ng raw materials, petrolyo, at paghina ng piso, sa hiling na dagdag-presyo.
“Biggest cause of our hit is on the foreign exchange,” ani Buencamino. Pero ayon kay Castelo, isinasaalang-alang naman nila ang mga manufacturer kapag nagtatakda ng SRP.
“‘Pag ibinigay nila sa DTI ang kanilang SRP, pinag-aaralan natin ‘yon, kasama na, naka-factor in na roon ang profit ng manufacturers,” ani Castelo.
Comments are closed.