INUDYUKAN ng consumer advocate na Laban Konsyumer, Inc. (LKI) ang Department of Trade and Industry (DTI) na bumili ng bulto ng face masks at ipamahagi sa retail outlets para kontrolado ang presyo.
Sinabi ni LKI president Victorio Mario Dimagiba kamakailan na ginawa na ito ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) noong nagkaroon ng isyu sa supply ng gamot, semento at asukal ang ilan sa mga ito.
Nagbigay rin ng suhestiyon si Dimagiba na tukuyin ang lahat ng mask importers at inspeksiyunin ang kanilang mga warehouse.
“The Bureau of Import Services of DTI can identify mask importers and warehouses’ location. The PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group) can conduct intelligence operation,” dagdag niya.
Dapat aniya ring siguruhin ng departamento na ang mga mask na ibinebenta sa merkado ay pumasa na sa quality test, dagdag ni Dimagiba.
Ini-report na may ilang mga botika sa Metro Manila ang walang supply ng surgical face masks at N95 masks matapos na kumpirmahin ng gobyerno ang unang kaso ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa bansa.
Isang shop sa MRT Ayala station ang nakitang nagbebenta ng surgical masks sa halagang PHP130 para sa isang pakete na naglalaman ng 10 piraso o PHP13 bawat piraso, mas mataas sa suggested retail price (SRP) na PHP1 hanggang PHP8 bawat mask.
Isang online retailer, na tumangging pangalanan, ay nagsabing hindi sila makakuha ng N95 masks mula sa kanilang Chinese supplier dahil gusto raw nitong bigyan ng prayoridad ang kanilang local market kung saan nanggaling ang virus.
Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na isa lamang ang manufacturer ng surgical mask at N95 mask sa bansa – ang Medtecs International Corp. Ltd. – na may pasilidad sa Bataan. PNA
Comments are closed.