DTI IPASASARA ANG MGA DAYUHANG RESTAURANT NA NAMIMILI NG CUSTOMERS

RESTAURANT

NAGBABALA ang gob­yerno na maaa­ring agarang ipasara ng lokal na pamahalaan ang mga dayuhang restaurant na mamimili ng nasyunalidad ng mga tatanggaping kostumer.

Tinukoy ni Undersecretary Ruth Castello ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Chinese restaurants sa bansa na hindi tumatanggap ng mga Filipinong kostumer.

Ayon kay Castello, inaksiyunan na rin nila ang mga nakarating sa kanilang reklamo laban sa isang Chinese restaurant sa Las Piñas City.

“Mayroon na kaming mga natingnan na restaurants pero hindi po kasi puwedeng ang restaurants natin ay mamimili ng against race. Kasi po kapag kumuha ng business permit for a restaurant or a fastfood chain or whatever, ibig sabihin po, open to the public. So, kung open to the public po, hindi sila puwedeng mag-discriminate against race or nationality. Puwede pong i-revoke agad ng LGU ‘yung permit niya,” ani Castello.

Kasabay nito, nili­naw ni Castello na hindi rin nila pinapayagan ang dayuhang investors na makipag-kompetensiya sa small and medium enterprises (SMEs) o mali­liit na negosyo sa bansa.

Una nang nanawagan si Senador Panfilo Lacson na ipasara ang mga discriminatory restaurant sa sarili nating bansa at tingnang mabuti ng DTI at LGUs ang mga dayuhang negosyo na direkta pang kumakalaban sa maliliit na negosyo sa bansa.

“’Yung SMEs (small and medium-sized enterprises) natin, ‘wag nang lagyan ng foreigners or ‘wag na pong i-allow ‘yung foreigners sa mali­liit na businesses. Mayroon po kaming mga ganyang policies kagaya po sa construction, mayroon pong nire-require na P1-B for foreign-owned company na kailangan po mayroon siyang investment sa ganoon kasi ayaw nga natin silang maki-compete pa du’n sa maliliit pa na construction company,” dagdag pa nito.

Comments are closed.