DTI IPATUTUPAD ANG PRICE SETTING SA IMPORTED NA BIGAS AT ASUKAL

SUGAR-RICE

IPATUTUPAD ng Department of Trade and Industry (DTI) ang “price setting” sa ina­angkat na bigas at asukal bago matapos ang buwan.

Ito umano ay para ma­tiyak na may murang bigas at asukal sa merkado.

Ayon sa DTI, tatlumpu’t walong piso (P38) ang kanilang itinakdang presyo sa kada kilo ng well-milled rice habang limampung piso (P50) naman sa kada kilo ng imported na puting asukal.

Samantala, hihigpitan na ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang pagsusuring gagawin sa mga bigas na inaangkat mula sa ibang bansa para umano maiwasan ang pagkakaroon ng bukbok sa bigas.

Ikinatuwa naman ito ng grupong Bantay Bigas na anila’y tama lang na suriin ang kanilang inaangkat na mga produkto.

Gayunman, sinabi ng grupo na mas makabubuti pa rin kung wala nang pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa at sa mga lokal na magsasaka na lang mismo bibili ng bigas.

NFA IPAGBABAWAL ANG PAG-ANGKAT NG MGA MAMAHALING COMMERCIAL RICE

Samantala, pagbabawalan na ng National Food Authority (NFA) ang pag-aangkat ng mamahaling commercial rice.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol, ito ay para tugunan ang mataas na presyo ng bigas.

Paliwanag ni Piñol, magiging daan ito para mahila nang pababa ang presyo ng ibang commercial rice dahil wala ng mahal na bigas.

Naglalaro aniya kasi sa P50 hanggang P60 kada kilo ang mga bigas na “Class A” o iyong limang porsiyentong broken rice mula sa Thailand at Vietnam.

Dahil dito tanging 25 porsiyentong broken rice na lamang ang puwedeng angkatin ng gobyerno at mga rice trader.

Comments are closed.