KUMPIYANSA si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual na maaabot, at malalampasan pa ng Board of Investments (BOI) ang 2023 investment approvals target nito na P1.5-trillion.
Sa isang panayam, sinabi ni Pascual, na concurrent BOI Chairman, na ang investment promotion agency ay may isinasagawang investment projects, ilan sa mga ito ay mula sa foreign trips ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa outbound investment missions ng DTI.
Hindi ibinunyag ng trade chief ang bilang ng mga proyekto at ang kabuuang halaga nito, ngunit sinabing ang bansa ay may USD71 billion na halaga ng investment prospects na magmumula sa kanilang outbound trip na maaaring ipatupad simula ngayon hanggang sa susunod na limang taon.
Dagdag pa ni Pascual, inaprubahan na ng BOI ang P800 billion na halaga ng proyekto.
“It’s a matter of time in realizing the investments,” aniya. “We, in the government, should work on fast-tracking our processes so we can get them to invest.”
Ang BOI ay unang nagtakda ng P1-trillion investment approvals target para sa 2023 subalit tinaasan ito ni Pascual ng 50 percent, makaraang makatanggap ang gobyerno, sa mga nakaraang official foreign visits ni Marcos, ng interes mula sa mga investor na nagpahayag ng kanilang intensiyon na magnegosyo sa Pilipinas.
Noong 2022 ay inaprubahan ng BOI ang may P720 billion na halaga ng mga proyekto.
(PNA)