DTI MAGPAPAUTANG SA NEGOSYANTENG KAPOS DAHIL SA TAAS-PRESYO

NAPATUNAYAN ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kanilang pagmo-monitor na nagmahal talaga ang presyo ng ilang pangunahing bilihin gaya ng ilang brand ng canned meat products, condiments, sabon, at baterya.

Umaaray na rito ang mga vendor na umamin na kahit mabenta ang kanyang tig-P10 banana cue, turon at karyoka, napansin niya na hindi pa rin siya gaanong kumikita.

Hindi niya raw kasi maibenta nang mas mahal ang kaniyang tinda kahit ang asukal na ginagamit niya na P2,000 bawat sako noon ay nagtaas na sa P2,500 ngayon.

“Lugi talaga… Ang hirap talaga ngayon. Paano na lang kami kikita?” pahayag ng vendor.

Kaya tuloy-tuloy ang pagpapaigting ng DTI ng kanilang price monitoring.

Katunayan, may mga nakita silang produktong lumampas sa suggested retail price (SRP) kung kaya’t sinulatan ng ahensiya ang mga manufacturer ng produktong ito para magpaliwanag.

“Kasi yung SRP, suggested lang naman iyan pero kailangang ma-justify ng manufacturer kung bakit kaila­ngan magdagdag sila ng P1 o P2 diba,” ani DTI undersecretary Zenaida Maglaya.

Dagdag pa ni Maglaya, meron silang inaalok ngayon na “P3” o “Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso.”

Sa P3 program, puwedeng umutang ang maliliit na negosyante ng P5,000 hanggang P200,000 sa pinakamababang interest rate na 2.5 porsiyento.

Halimbawa, sa bawat P1,000 na inutang ay P25 lamang ang interes kada buwan na babayaran.

Anila, ito ay para sa mga maliliit na negos­yanteng apektado ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin.

Naniniwala ang grupo ng mga may-ari ng supermarkets na tuloy-tuloy na ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang matapos ang taon.

“Pagkakataon na rin ito para sa mga manufacturers na magtaas ng pres­yo… Kasi ilang taon na ring walang masyadong increase,” ani Steve Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Ayon pa kay Cua, kapag nagtaas ng presyo ang mga manufacturer ay wala ring magagawa ang mga re-tailer tulad nila kung hindi mahalan ang mga benta para hindi naman daw sila malugi.

Comments are closed.