DTI NAGBABALA VS. ONLINE PRODUCTS

NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga consumer  na palaging suriin ang standards ng mga produkto na kanilang binibili  at siguruhin na ang mga ito ay pumasa sa mga government test, gayundin  sa  mga  produktong binibili sa online shopping.

Sa isang pahayag kamakailan, sinabi ng Department of Trade and Industry’s Bureau of Philippine Standards (DTI-CPG) sa mga mamimili na palaging tingnan ang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) na nakamarka sa critical products. Pag-ibayuhin ang pagtse-tsek sa electrical at electronic products, lamps, wiring devices, wires at cables, mechanical at construction materials, at chemicals, ayon sa DTI-CPG.

Kinilala rin ng trade agency na parami nang parami ang mga consumer na pinipili ang bumili sa online sa paglago ng e-commerce industry. Pero, nagpayo ang DTI-CPG hindi sila dapat magdepende na lamang sa mga nakalagay sa label sa internet at dapat gawin ang kanilang bahagi kapag sila ay gumagawa ng desisyon kung ano ang mga bibilhin.

Sinabi ni Trade Undersecretary Ruth B. Castelo na bagama’t nagmomonitor ang DTI-CPG ng trading activities online, ang mga nagnenegos­yo at mamimili ay dapat ding gawin ang kanilang parte para siguruhin na ang e-commerce ay isang platform for fair trade. Sinabihan din niya ang mga online seller na maging mahigpit sa pagsunod sa  standards na itinalaga ng gobyerno, at nagbabala sa mga lalabag na sila ay magiging responsable sa kanilang aksiyon.

“The department monitors purchase transactions not only in the establishments, but also in online stores. We urge the online merchants to be responsible in ensuring that the critical products that they are distributing and selling have the required labels including the PS and ICC marks,” ani Castelo.

Sa ilalim ng kasalukuyang DTI-BPS product certification scheme, mayroong 73 kritikal na produkto at sistema na kinakailangang  imbestigahan at dumaaan sa masu­sing evaluation base sa specific PNS. Sa oras na pumasa ito sa government tests on performance and safety requirements, iisyuhan ang produkto ng PNS license o ng ICC certificate.

Ang produkto na may PNS o ICC mark ay pinapayagan na ipamahagi at ibenta sa merkado. Ito ay kailangan ding naka-attach na may label na nagsasaad ng kanilang brand name, date of manufacture, name and address of manufacturer, country of origin, at iba pa.

Sinabi ni DTI-BPS Director James E. Empeño na importante sa mga consumer na magkaroon ng kamalayan sa PS at ICC marks, dahil ang mga regulasyong ito ay ginawa para mapangalagaan ang mga mamimili laban sa substandard at harmful products.

“The PS and ICC marks guarantee a consumer that a product has undertaken extensive safety and performance inspection prior to its sale and distribution,” aniya.

Sinabi naman ni Laban Konsyumer President and former Trade Undersecretary Victorio A. Dimagiba na ang mabilis lumagong digital technologies ay nagpoprodyus ng platform kung saan ang mga tao ay isang click na lamang para makapamili. Pero nagbabala siya na may kapalit ang ginhawa sa pamimili, at “not all things being sold online are created equal.”

“Just like in offline shopping, consumers need to be on their guard against adulterated, counterfeit, mislabeled and poor-quality products that may pose health and safety risks. The risks are real, so regulatory agencies and e-commerce sites need to take greater mea­sures to protect consumers from online cheats and unfair business practices,” sabi ni Dimagiba.  ELIJAH FELICE ROSALES

 

 

 

Comments are closed.