SA KABILA ng mga alegasyon laban sa kaligtasan ng paggamit ng Quenched-Tempered (QT) steel, naninindigan ang DTI na ligtas itong gamitin sa high-rise constructions.
Kaugnay ng isyu na naiangat tungkol sa hindi pagkakatukoy ng cyclic loading test sa Philippines National Standard (PNS) 49:2002 para sa steel bars for concrete reinforcement, nilinaw ng DTI na ang nasabing test ay hindi isang pamamaraan para sa steel bars, kung hindi para sa Steel Reinforced Recycled Concrete. Ang cyclic loading test ay isang proseso kung saan ang bakal ay ibinabaon sa kongkreto upang masuri ang tibay, tatag, at kaligtasan nito.
Kahit hindi natukoy ang cyclic loading sa steel standards, ipinaliwanag ng Technical Committee on Long Steel (TC11) ng DTI-Bureau of the Philippine National Standards (BPS) na ito ay binibigyang-pansin pa rin. Sa katunayan, patuloy pa ring nag-aaral ang Department of Science and Technology – Metal Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) tungkol sa iba pang mga test. Nangongolekta rin ng samples galing sa lahat ng manufacturers ng QT steel ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI) upang masuri sa MIRDC.
Ukol naman sa pahayag na walang impormasyon tungkol sa rebars na nabuo sa pamamagitan ng quenching at tempering ang maaaring magamit, malinaw na nakasaad sa scope at application ng PNS 49:2002 na tinutukoy sa standard ang requirements para sa mga deformed steel bars para sa con-crete reinforcement, at nag-aaplay ito sa steel bars na mula sa prime billets or ingots, na sinusuplay ng as-rolled at hot-rolled ng may subsequent na quenching at self-tempering.
Binibigyang-diin din ng DTI na ang tibay at tatag ng isang istruktura ay hindi lamang nakasalalay sa bakal, kundi sa iba ring mga materyales gaya ng konkreto. Mayroon itong mataas ng compressive strength, ngunit kailangan pa rin nito ng reinforcement upang madagdagan ang yieled strength, kung saan pumapasok ang steel bars. Ginagamit ang steel bars bilang reinforcement upang mas mapatibay ang istruktura at masiguro ang kaligtasan nito.
Ipinaliwanag din ng DTI na hindi lamang nakasalalay sa bakal ang tibay ng isang istruktura sa tuwing may lindol at iba pa bang mga kalamidad, kundi sa lokasyon, kalidad ng lupa, paggamit ng lupa, pundasyon, layo sa fault line, mga materyales, pagsunod sa mga earthquake resistant building codes at practices, laki ng istruktura, at pagbuo ayon sa disenyo at iba pa. Sama-sama, mababawasan ng mga ito ang epekto ng lindol. Nakaaapekto rin ang likas ng lindol.
Idinidiin ng DTI na walang teknikal na basehan upang suportahan ang alegasyon na hindi ligtas gamitin ang QT steel sa mga high-rise construction, matapos ang ilang pagpupulong kasama ang PISI, Philippine Constructors Association (PCA), Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP), at iba pa. Sumasang-ayon din dito ang mga pag-aaral na ginawa ng DOST-MIRDC, DTI-BPS, at ng American Society of Testing Materials.
Patuloy pa rin ang DTI sa pagtupad ng layunin nito na siguraduhin ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto, lalong higit ng mga materyales pangkonstruksyon na gamit ngayon sa tinaguriang “Golden Age of Infrastucture” sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ng pamahalaan. JOYCE RIA ESTARES
Comments are closed.