HINDI makikialam ang Department of Trade and Industry (DTI) sa inaasahang pagtaas ng presyo ng bulaklak at kandila sa pag-oobserba ng All Saints’ Day sa Nobyembre 1.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, ito ay one-time at seasonal adjustments.
“Hayaan na natin, may seasonality ‘yan at diyan din kikita ‘yung mga magbubulaklak. Pakitain naman natin,” pahayag ni Lopez sa isang panayam.
Sa tanong kung papayagan ng DTI ang vendors na magtalaga ng kanilang sariling presyo ng bulaklak at kandila sa Undas, sinabi ng Trade chief na “of course, go ahead.”
“Anyway, alam niyo hanggang umaga ng November 1 lang naman ‘yan e kapag sa hapon bagsak din naman ang presyo niyan… Ilang oras lang ‘yan.”
Pinayuhan ng opisyal ang mga konsyumer na bumili ng kandila sa grocery stores dahil ang mga ito ay sakop ng suggested retail prices (SRP) ng DTI.
“Kapag bumili kayo on-site, parang sari-sari store sa tabi ng sementeryo, wala na tayong control diyan… so asahan niyo na kung anong gusto nilang presyo that day magse-set ‘yan at hindi na natin papakialaman ‘yon,” ani Lopez.
“Kung gusto niyo ng stable na presyo ‘yung naka SRP bumili kayo sa grocery,” aniya.
Sinabi pa ng Trade chief na ang payagan ang mga maliliit na negosyo na magtaas ng presyo ng bulaklak at kandila ay isang paraan na rin para makatulong sa kanila na kumita ng malaki kahit minsan lang.
“Kandila at bulaklak, ibigay na natin sa maliliit na negosyante at kung pupuwede ‘wag na natin tawaran tulungan na natin ‘yung maliliit na negosyante,” dagdag pa nito.
Comments are closed.