PINANGUNAHAN ng Department of Trade and Industry-Export Marketing Bureau (DTI-EMB), Department of Information Communication and Technology (DICT), Philippine Trade and Investment Center-Tokyo (PTIC-Tokyo), at Philippine Software Industry Association ang paglahok ng 21 Pilipinong kompanya sa nakaraang IT-Business Process Management (BPM) sa Japan IT Week 2018 noong ika-9 hanggang ika-11 ng Mayo na ginanap sa Tokyo Big Sight.
Kasabay ng paglahok sa Japan IT Week, ang delegasyon mula sa Pilipinas ay nagsagawa ng Philippine IT/BPO Seminar at Networking Session sa Tokyo na may temang “Go Global, Co-Create with Philippines”. Nagsagawa rito ng Business-to-Business (B2B) matching para sa mga organisasyon at kompanyang galing sa Pilipinas at Japan. Ang pangulo ng PSIA na si Jonathan Luzuriaga ang namuno sa B2B na nakakalap ng 103 pre-arranged business meetings galing sa mga kompanya ng Japan.
Samantala, 43 kinatawan mula sa 21 kompanyang kalahok ang nakabilang sa Japan IT Week. Sampung kompanya naman ang nagsagawa ng kanilang exhibit sa Philippine pavilion.
Binuksan ni Ambassador Jose C. Laurel V ang unang araw ng sesyon at ibinahagi naman ni DICT Undersecretary Monchito Ibrahim ang iba’t ibang programa ng ahensiya para sa ICT.
Ayon sa DTI-EMB, ilan sa mga kompanyang lumahok sa taong ito ay ang Advance World Systems, Cebu Innosoft Solutions, Inc., Cybertech Co., Ltd., Digify, DTSI Group, Eclaro Business Solutions, Inc., Exist Software Labs, Genpact (Headstrong Philippines, Inc.), Genpact Philippines, In1Go Technologies, Inc., N-PAX Philippines, Inc., Orange & Bronze Software Labs, Inc., Pointwest Technologies Corp., Rococo Global Technologies Corp., Tsukiden Global Solutions, Inc., at Valtes Advanced Technology, Inc. Dagdag pa ng DTI-EMB, dahil sa magandang resulta ng business mission sa Japan, ang 21 kompanya ay nagpahayag ng kanilang suporta para lumahok muli sa susunod na taon. Sila ay binigyan ng 15 seminars na pinangunahan ng mga kompanyang galing sa Pilipinas.
Ang DTI-PTIC Tokyo Commercial Counsellor na si Bernardita Mathay naman ay nagsagawa ng isang pagpupulong upang talakayin ang fund corporation para sa overseas development ng postal services at ICT sa Japan.
Ang Japan ay pangatlo ($173 billion) sa may pinakamalalaking market sa mundo pagdating sa industriya ng IT, kasunod ng US ($661 billion) at China ($179 billion). Ito ay inaasahang lalago pa sa mga susunod na taon dahil sa mga planong investments sa ICT ng mga kompanyang galing sa Japan patungo sa taong 2020.
Comments are closed.