TINANGGAL ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bisa ng surety bond ng ilang cement importers na nakitaang lumabag sa mga patakaran at safety standards.
Ilan sa mga nilabag ng importers ay ang pagbebenta ng semento na walang Import Commodity Clearance (ICC) o Statement of Confirmation (SOC) na nagpapatunay na dumaan sa pagsusuri ang mga semento bago ito ipagbili.
Kasama sa patakaran ng DTI ang pagkakaroon ng SOC ng mga cement retailers.
Sa ilalim ng Department Administrative Order (DAO) No 17-06, Series of 2017, nawalan ng bisa ang surety bonds ng ilang importers mula sa Vi-etnam, China, Thailand, Taiwan, Indonesia, at Pakistan na nagpasok ng mga labag sa batas na semento sa 25 daungan.
Binigyang-diin ng DTI na ang mga patakarang ito ay mahigpit na ipinapanukala para masiguro ang kaligtasan ng mga konsyumer.
Ang mga sementong nasa merkado ay dapat pasok sa standards na inihanda ng Philippine National Standards (PNS) 07:2005 at PNS 63:2006 para masigurong ang mga bahay o gusaling itatayo gamit ang mga ito ay hindi bibigay agad at maiiwasang mapahamak ang mga konsyumer.
Pinaalalahanan naman ng DTI ang mga mamimili na siguraduhing ligtas ang mga binibiling semento at hanapin ang SOC na nakatatak sa bag ng semento na nagpapakita ng brand, importer, manufacturer, date of manufacture, at batch number. LYKA NAVARROSA