HINIMOK ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang mga kompanyang magbabalik-operasyon na sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na maglaan ng transportasyon o matutuluyan para sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Lopez, nagpasiya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan lamang ang partial operation ng ilang mga industriya para maging limitado pa rin ang galaw at dami ng mga tao sa labas ng tahanan sa kabila ng pagbubukas ng ekonomiya.
Aniya, makabubuti rin kung makapaglalaan ang bawat kompanya ng lugar na matutuluyan ng mga papasok na empleyado malapit sa kanilang mga opisina, gayundin ang pagbibigay ng transportasyon sa mga ito.
Ang Metro Manila, Laguna, Bulacan, Pampanga, Bataan, Nueva Ecija at Zambales ay isinailalim sa modified enhanced community quarantine simula kahapon hanggang sa Mayo 31.
“Tuloy pa rin sa pag-encourage sa mga businnes owner. Na, una na maaari sana magkaroon ng temporary accomodation sa mga worker nila na hindi na lalayo. Ito po sana ay either with inside or nearside; malapit kung saan ‘yung pinagtatrabahuhan kasi po wala pa po tayong public transportation. Pagbigay po ng shuttle services ay kailangan pong i-provide ng kompanya,” ani Lopez. Krista De Dios-Dagala (DWIZ 882)
Comments are closed.