(DTI sa mga residente ng Albay) HUWAG MAG-PANIC BUYING

TINIYAK kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga residente ng Albay na may sapat na suplay ng pagkain sa lalawigan kaya hindi dapat mag-panic buying.

Sa gitna ito ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon at kasunod ng pagpapatupad ng DTI ng 60-day price freeze sa basic goods sa lalawigan makaraang magdeklara ang local government unit (LGU) ng state of calamity.

“Bago magkakaroon ng kalamidad, tinatawagan natin at ina-advise natin ‘yung malalaking retailers to make sure na kumpleto ang supply nila so nagre-replenish po talaga sila sa lugar na may kalamidad para sigurado pong hindi maubusan so wala tayong pangamba, wala po tayong worry consumers natin kung mauubusan sila, so wala pong dahilan na mag-panic buying po sila,” wika ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa Laging Handa public briefing.

“Ang price freeze po is based on the declaration of a state of calamity ng isang lugar. So hanggang hindi sila mag-declare ng ganun, hindi magiging effective ang price freeze,” sabi ni Castelo.

Ang basic commodities ay kinabibilangan ng bigas, tinapay, mantika, sabong panlaba, kandila, gamot na klinasipika ng health department bilang essential, bottled water, fresh meat, at fresh, dried at canned fish.

Sinabi ni Albay Gov. Edcel Greco Lagman na ang state of calamity ay magpapahintulot sa lokal na pamahalaan na magpalabas ng quick response funds para tulungan ang mga apektadong residente.

Ang Bulkang Mayon ay nananatili sa Alert Level 3, kung saan ang permanent danger zone ay pinalawak sa seven kilometer radius.