DTI SINIGURO ANG MAS MARAMING SUPPLY NG N-88 MASKS

NAKAKUHA ang Department of Trade and Industry (DTI) ng partial supply ng N-88 masks mula sa MedTecs, ang nag-iisang local manufacturer mula sa Bataan. Sa tulong ng Philippine International Trading Corporation (PITC), nakakuha ang DTI ng 125,000 piraso ng N-88 masks. Dito, ang 70,000 piraso ay nai-deliver at nai-donate agad sa Department of Health at DTI regional offices at attached agencies.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ang susunod na batch ng deliveries na 80,000 piraso ay ido-donate naman sa Philippine Red Cross (PRC), sa pakikipagkoordinasyon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon.  Ang PRC naman ang mamamahagi sa mga mask sa mahigit na 100 Red Cross offices sa buong bansa.

Para lalong madagdagan ang supply, na­ngako ang Medtecs na dodoblehin ang kanilang produksiyon para sila ang makapagbigay ng 400,000 piraso ng masks linggo-linggo. Ilan dito, ang 200,000 piraso ay mapupunta sa Department of Health (DOH) at 100,000 sa Red Cross at ibang ahensiya ng gob­yerno. Samantala, ang 100,000 piraso ay itatalaga sa private retailers tulad ng Mercury Drug at Southstar Drug para sa distribusyon sa buong bansa.

Sa linggo-linggong supply sa pangunahing drug stores sa bansa, makasisiguro ang consumers ng daan para magkaroon ng N-88 masks. Ang Mercury Drug ay may mahigit na 1,000 branches sa buong bansa at ang  Southstar Drug ay may 500 branches.