TULUYANG sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) ang higit sa 2,000 appliances na nakumpiska mula sa tatlong establisimiyento sa General Santos City.
Nasamsam ang aabot sa 2,282 appliances dahil sa kawalan ng sertipikasyon mula sa DTI.
Ayon sa DTI, nasabat ang mga appliance ay noon pang 2016 ngunit ngayon lang sinira dahil kinasuhan pa ang mga may-ari ng mga tindahan.
Pinagmulta rin ang mga may-ari ng hindi bababa sa P140,000 dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
Ikinatuwa naman ng isang consumer group ang naging aksiyon ng DTI.
“Mabuti na sinira ‘yan kasi it is not worth the price sa pagbili mo kasi normally ‘yan ang nagiging cause ng sunog,” ani Asuncion Rodriguez, pinuno ng Consumer Welfare Council.
Payo ng DTI, kung bibili ng appliances na galing sa ibang bansa ay unang hanapin ang Import Commodity Clearance o ICC sticker bilang patunay na pumasa ang mga ito sa Philippine standards. Kung lokal na produkto, kailangang mayroon itong Philippine Standard (PS) mark.
Sa gitna ng kampanya kontra sa mga hindi awtorisadong produkto, pinag-iingat pa rin ng DTI ang mga mamimili dahil sa mga namemeke ng PS mark.
Ayon sa DTI, ang lehitimong PS mark sticker ay tila hologram. Mayroon din dapat naiiwang marka kapag tinanggal ang sticker.
Comments are closed.