DTI TINIYAK NA MAHIGPIT NA NAKABANTAY SA MANUFACTURED GOODS

HINIMOK ng Department of Trade and Industry o DTI ang publiko na isumbong sa kanilang hotline 1384 ang mga mapapansing hindi makatwirang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng manok.

Ito ay para mahuli ang mga nagsasamantala at mga negosyanteng kumikita ng sobra-sobra. Ito ay sa  harap ng mga napapaulat na pagsipa ng presyo ng manok sa pamilihan sa Marikina na umabot sa 170 pesos kada kilo.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nasa 90 pesos lamang ang farm gate price ng manok na dapat ay nasa 40 hanggang 50 pesos lamang ang patong dito ng mga trader.

Lalabas na dapat ay nasa 130 hanggang 140 pesos ang bagsak sa mga palengke na dapat maibenta naman sa mga mamimili ng 150 pesos.

Hinikayat ni Castelo ang publiko na makipagtulungan sa DTI upang kanilang matukoy ang mga nagsasamantalang trader.

CONSUMER GROUP

Samantala, tutol ang grupong Laban Kons­yumer sa tatlong buwan lamang na hindi pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Atty. Vic Dimagiba, convenor ng grupo matapos ipabatid ng Department of Trade and Industry o DTI na pumayag ang manufacturers na huwag magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto hanggang sa buwan ng Disyembre.

Iginiit ni Dimagiba na hinihiling nila sa manufacturers na hanggang sa unang quarter sana ng 2019 ay huwag munang magpatupad ng price increase ang mga ito sa kanilang mga produkto.

Comments are closed.