MATINDING monitoring ang ginagawa ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pamilihan matapos na ilabas ang pinakabagong suggested retail prices (SRPs) sa mga pangunahing bilihin.
Ayon sa DTI hanggang sa August 6, 2018, tumaas ng P.40 hanggang P1 ang bagong SRP ng ilang pangunahing produkto.
Nabatid na pinalawak ng ahensya ang mga SRP sa mga basic commodities at kabilang dito ang premium brands.
Layunin nito na magkaroon ng kaalaman ang mga mamimili at magkaroon ng pagkakataong sa iba’t iba pang brands na pwede nilang pagpilian.
Una nang tiniyak ng DTI na hindi naman tataas ang presyo ng ibang pangunahing bilihin sa holiday season kasama ang noche buena items.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, magpapatuloy ang inspeksiyon ng kanilang tanggapan sa mga pangunahing bilihin, kasunod na rin ng pagpasok ng “Ber months.”
Sinasabing ito ang panahon na karaniwang nagtataasan ang presyo ng mga pangunahiing bilihin lalo na ang mga noche buena item dahil sa malaking demand.
Una nang tiniyak ni Castelo matapos ang pakikipag-usap sa mga negosyanteng nasa likod ng mga basic good na walang mararamdamang paggalaw sa halaga ng mga pangunahing bilihin.
Sinasabing maging sa farm gate prices ng ilang produkto ay walang nakikitang rason para magkaroon ng paggalaw sa loob ng “Ber months.”
Nagbabala rin ang DTI sa mga nagpapatupad ng walang batayang price increase, lalo na sa poultry supply na maaari nilang habulin ang mga ito at patawan ng kaukulang penalty.
Nabatid na kasunod ng nasabing pahayag ng DTI ay humhirit ang ilang manufacturer ng mga canned products lalo na ng sardine na magtaas sila ng dalawang piso kada lata. VERLIN RUIZ