DU30 ADMIN TUTUGON SA INFLATION, TINIYAK NI NOGRALES

Rep-Karlo-Nograles

IGINARANTIYA ni House Appropriations Committee Chair Rep. Karlo ‘Ang Probinsyano’ Nograles sa publiko na ang pinakabagong mga hakbang ng gobyerno ay epektibong tutugon sa mga problemang kaakibat ng inflation, matapos na lumitaw sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na mahigit sa anim kada 10 Filipino ang itinuturing ang tumataas na presyo na isa sa tatlong pinakabumabagabag sa bansa ngayon.

“Batid ng gobyerno na ang tumataas na presyo ay isang kagyat na suliranin. Alam ng ating economic managers ang dahilan nito at isinasagawa na ang mga nararapat na hakbang upang solusyunan ito,” ayon sa mambabatas mula Davao na nagsabi na tama ang mga economic manager nang sabihin ng mga ito na ang inflation ay sanhi ng pagsirit ng presyo––isang isyung ginagawan na ng paraan ng pamahalaan.

“Kalalabas lamang ng Malacañang ng Memorandum Order (MO) No. 28, na nag-uutos sa National Food Authority (NFA) na agarang ilabas ang imbak nilang bigas sa mga bodega upang paramihin ang suplay ng bigas sa merkado. Isa itong mabilis na kapasyahan na magtutulak sa mga negosyanteng nagtatago ng bigas na ilabas na ang kanilang mga stock. Poprotektahan ng hakbang na ito ng gobyerno ang mga konsyumer mula sa mga nananamantalang negosyante,” paliwanag ng mambabatas mula Mindanao.

Bukod dito, ayon kay Nograles, ang executive order na nilagdaan ng Pangulo na nagbabalik ng pangangasiwa sa NFA sa Department of Agriculture (DA) ay umaani na ng positibong resulta, habang ang NFA Council ay nagsasagawa ng bagong mga inisyatibo upang ayusin ang rice procurement program sa paraan ng pamamahagi ng insentibo sa mga magsasakang magbebenta ng kanilang aning palay sa NFA.

Ang hakbang na ito, kaa­kibat ang pagdating ng inangkat na bigas sa mga susunod na linggo, ayon kay Nograles, ay magpapababa ng presyo ng bigas sa mga pamilihan, at patatatagin ang suplay ng mas murang NFA rice sa bansa.

“Rice is life, ang bigas ay buhay; mas mahal ang bigas, mas mahirap ang buhay ng a­ting mga kababayan. Alam ni Presidente ‘yan, kaya tinanggap n’ya ang pagbibitiw ni Jason Aquino bilang hepe ng NFA at may mga bagong direktiba siya para pababain ang presyo ng bilihin.”

Sa survey sa 1,800 respondents na isinagawa ng Pulse Asia mula Setyembre 1 hanggang 7, 31% ng mga natanong ay nagsabi na ang pagkontrol sa inflation ay ang pangunahing kagyat na usapin ng bansa, samantalang 23% ang naniniwala na ito ang ika­lawa sa pinakakagyat na suliranin, at 9% ang nagsabing pangatlo lang ito sa problemang nangangailangan ng agarang solusyon.

Kabilang sa mga direktibang ipinag-utos ng Palasyo, ayon pa kay Nograles, ay ang MO No. 27 at MO No. 26. Inaatasan ng MO No. 27 ang DA, ang Department of the Interior and Local Government (DILG), ang Philippine National Police (PNP), at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na magbalangkas ng mga hakbang upang tiyakin ang mabilis at maayos na pamamahagi ng inangkat na produktong pang-agrikultura at produktong pangisdaan mula sa ating mga pantalan patungo sa ating mga pamilihan.

Ang MO No. 26 naman ay nag-aatas sa DA at sa Department of Trade and Industry na gumawa ng mga hakbang upang pababain ang pagkakaiba sa farm gate price at presyong tingi ng mga produktong pang-agrikultura.Kabilang dito ang pagtatayo ng mga pampublikong tindahan at imbakan o cold storages kung saan ang mga magsasakang nagtatanim ng mga pangunahing produktong pansakahan ay direktang makapagtitinda ng kanilang ani sa mga mamimili o konsyumer.

Comments are closed.