MAHIGIT dalawang tonelada ng shabu na may market value na P13.3 bilyon ang nasabat nitong Abril 15 ng Philippine National Police (PNP) sa isang checkpoint sa Barangay Pinagkrusan, Alitagtag, Batangas.
Ito ang “pinakamalaking nasabat na droga sa kasaysayan ng Pilipinas” na walang dumanak na dugo o buhay na nawala, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Ito ang pinakamalaking shipment ng shabu na nahuli natin, pero walang namatay. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t in-operate natin nang dahan-dahan, ‘yun naman dapat ang approach,” pahayag ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag.
Sinabi ng Pangulo na ang paggalang sa karapatang pantao kahit sa mga operasyon ng giyera sa droga ang pinakamahalaga sa kanyang administrasyon habang tinitiyak na matatapos ang operasyon ng ilegal na droga at ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na narcotics sa Pilipinas.
Hindi aniya sa Pilipinas nagmula ang mga nasabat na ilegal na droga.
“Para sa akin, ‘yun ang approach sa drug war na ang pinaka-importante ay matigil natin ang pag-ship ng mga droga dito sa pagpasok sa Pilipinas. Pero the one thing that’s clear, pinasok ito, hindi ito galing dito sa Pilipinas,” anang Pangulo.
Sinabi ni P/Major De Luna sa mga mamamahayag na nagsasagawa sila ng regular na checkpoint sa Barangay Pinagkrusan noong Abril 15, 2024, Lunes nang i-flag down nila ang isang kahina-hinalang pampasaherong van, na nagresulta sa pagkakasamsam ng ilegal na droga.
“Mayroon po kaming regular checkpoint na naganap dito sa bayan ng Alitagtag, bilang bahagi ng intensified crime prevention. So, part of it, pina-flag down po namin ang mga sasakyan,” pahayag ni De Luna.
“Kung mayroong suspicious, sina-subject po namin for inspection po. Kagaya po ng nangyari dito sa pangyayaring ito, ‘yun po ang naging resulta, nasabat po namin ang ganitong kalaking halaga ng shabu po,” dagdag ng opisyal.
Ang driver ng pampasaherong van ay inaresto at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang tumangging magbigay ng karagdagang detalye si De Luna habang naghihintay ng imbestigasyon sa kaso. Hindi nakilala ng pulisya ang suspek.
Sinabi ni Pangulong na seryoso ang kanyang administrasyon sa kampanya ng ilegal na droga dahil tiniyak niya sa mamamayang Pilipino na tatakbo sila sa mga sindikato ng ilegal na droga kabilang ang mga makapangyarihan, o maging ang mga konektado sa gobyerno, o mga pulitiko.
Binigyang-diin niya na walang puwang sa kanyang administrasyon ang ilegal na droga.
“Kahit pulitiko na powerful, o pulis o kung sinuman ay talagang iniimbestigahan natin kaya’t nagkaroon ng ganitong klaseng mga operation at nakahuli tayo ng kalakilaki na 1.8 tons,” dagdag pa ni Pangulo.
Makikipagtulungan din sila sa Interpol at sa mga ahensya ng paniktik at droga sa buong mundo kabilang ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“Walang ibang solusyon kundi ang patuloy na gawin ito,” sabi niya.
Nang tanungin kung balak niyang baguhin ang taktika sa operasyon ng ilegal na droga, sinabi ng Pangulo na wala siyang nakikitang dahilan para baguhin ang paraan ng pagsasagawa ng mga alagad ng batas sa kanilang mga operasyon, na binanggit ang tagumpay ng kamakailang operasyon sa Batangas.
“Ito ang pinakamatagumpay na diskarte sa digmaang droga, sa ngayon. Kaya, bakit baguhin ito? Hindi namin ito babaguhin; ipagpapatuloy namin ang aming ginagawa … at ang dahilan sa palagay ko ay sa ngayon ay nakakakita kami ng napakaraming shabu o methamphetamine,” sabi niya.
“So, we’ll keep going, we just keep doing what we’re doing,” dagdag niya.
Sa talaan, ito na ang pinakamalaking paghakot ng droga, na lumampas sa dating record na 1,589 teabags ng shabu na nagkakahalaga ng PhP11 bilyon na nasabat sa Infanta, Quezon noong Marso 2022.
Ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2023 ay nagpakita na mayroon nang 36,803 na operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 49,700 drug suspects, kung saan, 3,284 ang itinuturing na high value target.