DUGYOT NA PABRIKA NG TOKWA NADISKUBRE

NAGSAGAWA ng inspeksyon ang mga mi­yembro ng Pasay City Environmental Sanitation Service (ESS) sa pabrika ng tokwa makaraang makatanggap ng reklamo na naglalabas ng masamang amoy ang nasabing pabrika.

Sa isinumiteng report ni Ma. Lourdes San Juan, hepe ng City Health Office (CHO) kay Pasay City Ma­yor Emi Calixto-Rubiano, isinagawa ang inspeksyon nitong Agosto 30 sa inirereklamong Loli Bends Trading factory na matatagpuan sa kahabaan ng Macapagal Boulevard.

Ang isinagawang inspeksyon sa naturang pabrika ng ESS ay bunsod sa salaysay ng isang Dondon Andres, empleyado ng King and Queen International KTV Bar, na nagsampa ng reklamo sa ESS sa tulong ng kanilang legal counsel na si Atty. Myrwin Brena tungkol sa umano inilalabas na masamang amoy na nanggagaling sa pabrika.

Sinabi ni San Juan na sa pag-iinspeksyon ng mga tauhan ng ESS na pinamunuan ni William Logro ay nadiskubre na ang ini­rereklamong pabrika ay nahaharap sa napakaraming paglabag sa kanilang operas­yon ng negosyo.

Nasilip ng ESS na walang sariling labasan ng bentilasyon ang mismong food processing area ng pabrika na nasa pagitan lamang ng puwesto na pinagtatrabahuhan ni Andres at pinamumugaran din ito ng sandamakmak na ipis, hindi maganda ang kondisyon ng sanitasyon nito, hindi naalagaang lugar ng pinagtatrabahuhan at hindi maayos na pagtatapon ng basura pati na rin ang maruming kagamitan sa pagpoproseso ng pagkain.

Bukod pa sa mga nabanggit na paglabag ay nabistong nag-ooperate ang pabrika ng walang Sanitary Permit and Health Certificates ng kanilang mga em­pleyado, walang naipakitang water examination result (microbiological), hindi maayos na storage room kung saan inilalagak ang mga ingredients at food materials na may nakaimbak din na cleaning chemical, sprayer at iba pa.

Ang mga gamit ng empleyado ay nakakalat lamang sa processing area kung saan ang mga pagkain ay exposed din sa kontaminasyon gayundin ang kakulangan ng bentilasyon sa lugar at nakitaan din ng mantika sa kanilang open canal.

Sinabi ni Logro na kanilang binigyan ng pagkakataon ang pabrika na isaayos ang mga nakitang bayolasyon ng kanyang team at muli silang magsasagawa ng follow-up na inspeksyon sa darating na Setyembre 5.

Kasabay nito, ipinaalam din ng ESS sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na ang nakadeklara sa business permit ng pabrika ay retailer at hindi bilang isang food manufacturing.

Pinakukuha rin ng lisensya para makapagsagawa ng kanilang operasyon ang nabanggit na pabrika sa Food and Drug Administration (FDA). MARIVIC FERNANDEZ