(Dumaan sa EDSA Busway) SUV NA MAY PLAKANG 7 AT PNP MARKINGS HINARANG NG SAICT

UMABOT sa limang sasakyan ang nasita ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) matapos ikasa nitong Huwebes ang patuloy na operasyon sa EDSA Busway partikular sa bahagi ng Mandaluyong City.

Kabilang na rito ang 4 na sasakyang may PNP markings at 1 SUV na may plakang “7” na laan para sa mga Senador.

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang driver ng SUV na may plakang “7” at sa halip, nag-iwan lang ito ng lisensya at matapos isyuhan ng ticket ay humarurot na ito papalayo.

Katuwiran naman ng mga PNP marked vehicle, batid naman nilang bawal ang pagdaan sa busway subalit napilitan sila dahil nagmamadali.

Subalit ilan sa mga PNP marked vehicle na nahuli ay may sakay pang kamag-anak, patunay na hindi responde ang kanilang biyahe.

Batay sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), P5,000 ang multa sa sinumang driver na dadaan sa EDSA Busway dahil sa hindi awtorisado ang mga ito. P ANTOLIN