NAALARMA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagdami ng mga sasakyang dumadaan sa EDSA.
Ayon kay EDSA Traffic Head Edison “Bong” Nebrija, ngayong “ber months” ay inasahan nila ang 15 hanggang 20 percent na dagdag sa mga sasakyan na babagtas sa EDSA.
Mahigit sa 260,000 lamang ang kapasidad ng EDSA pero sa ngayon ay mahigit 400,000 na ang bumibiyahe sa naturang pangunahing lansangan araw-araw.
Hanggang sa Kapaskuhan aniya ay maaaring umabot sa 480,000 na mga sasakyan ang gagamit sa EDSA na doble na sa carrying capacity nito.
Matatandaan na ipinagbawal ng MMDA sa mga mall owner ang pagsasagawa ng weekly sales ngayong Christmas season para maibsan ang traffic sa mga pangunahing kalsada.
Ayon kay Nebrija, ang pagbabawal ng weekday sales ay inihayag ni MMDA Assistant General Manager for Planning Ret. Gen. Jose Campo sa isang briefing kamakailan ng transportation agencies para sa kanilang mga plano ngayong holiday season.
Nagkaroon na rin sila ng pakikipag-usap sa mga mall owner sa kanilang plano upang maibsan ang traffic ngayong holiday season.
“There will be no more sales during weekdays, it can be done only on weekends,” pahayag ni Nebrija.
Hiniling din ng MMDA sa mall owners na i-adjust ang kanilang operation hours ngayong Kapaskuhan. “We are talking with the mall operators for a late-hour operations starting at 11 o’clock in the morning. Deliveries shall be done from 11 p.m. to 5 a.m. only. No daytime deliveries of goods,” pahayag ng MMDA.
Ipagbabawal din ng MMDA sa mall complex ngayong Kapaskuhan ang mga colorum public utility vehicles at public utility jeepneys kasama na ang transport network kagaya ng Grab. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.