PATULOY pa ring dumarami ang bilang ng dengue cases na naitatala ng Department of Health (DOH) sa bansa, gayundin ang bilang ng mga pasyenteng namamatay dahil sa naturang karamdaman, na nakukuha sa kagat ng lamok.
Sa pinakahuling ulat ng Epidemiology Bureau ng DOH, umakyat na sa 229,736 dengue cases ang nai-rekord nila sa buong bansa simula Enero 1 hanggang Agosto 17 ng taong ito.
Ang naturang bilang ay halos doble umano ng mga kaso ng sakit na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon, na umabot lamang sa 110,970 cases.
Malapit na nitong maabot ang unang projection ng DOH na aabot sa 240,000 kaso ng sakit ang maitatala nila sa bansa bago matapos ang taong ito.
Samantala, maging ang bilang naman ng mga namatay dahil sa dengue ay dumami, na umabot na ngayon ng 958, kumpara sa dating 582 lamang.
Ang pinakamaraming bilang ng kaso ng sakit ay naitala sa Western Visayas na umabot sa 39,892; sumunod ang Calabarzon na may 30,899; Northern Mindanao na may 17,674; at Zamboanga Peninsula na may 16,695.
Ang lugar naman kung saan may pinakamaraming dengue deaths ay sa Western Visayas na may 179; kasunod ang Calabarzon na may 98; Central Visayas na may 90; at Zamboanga Peninsula na may 88.
Ayon sa DOH, ang mga rehiyon na lumampas sa “epidemic threshold” ay ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang mga rehiyon naman na lumampas na sa “alert threshold,” ay ang Ilocos Region at National Capital Region.
Nabatid na pinakamaraming naapektuhan ng sakit sa age group ng nasa lima hanggang siyam na taong gulang na umabot sa 52,207 kaso.
Matatandaang Agosto 6 nang magdeklara ang DOH ng national dengue epidemic sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang dengue cases.
Hinikayat nito ang mga komunidad na upang makaiwas sa dengue ay i-praktis ang kanilang 4s strategy, na kinabibilangan ng search and destroy mosquito-breeding sites, secure self-protection measures, seek early consultation, at support fogging only in hotspot areas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.