MUNTINLUPA CITY – NAHULOG sa malalim na hukay ang isang dump truck at closed van na nagdulot sa pagkamatay ng isang pahinante habang sugatan naman ang lima pa kahapon ng umaga sa South Luzon Expressway (SLEX).
Dead on the spot sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan ang pahinante ng dump truck na kinilalang si Esmar Tolentino, 22.
Agad namang naisugod sa Ospital ng Muntinlupa upang lapatan ng lunas ang tinamong sugat sa katawan ang driver ng dump-truck na si Edsel Ardona at gayundin din ang apat na katao na sakay naman ng closed van na hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Sa ulat na nakalap sa Southern Police District (SPD), napag-alaman na nagyari ang insidente dakong alas-6:35 kahapon ng umaga sa tulay ng Southbound lane, Soldiers Hills, SLEX, Brgy. Putatan, Muntinlupa City.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Muntinlupa City police, galing sa Angono, Rizal patungong Calamba, Laguna ang dump truck minamaneho ni Ardona na kasama si Tolentino na kargado ng buhangin.
Hindi napuna ni Ardona ang nakaparadang closed van sa kalsada na sakay ang apat na biktimang natutulog sa loob nito nang bigla niya salpukin sa likuran at sa lakas ng impact ay parehong sabay na mahulog ang mga ito sa malalim na hukay sa gilid ng SLEX.
Hindi agad nabigyan ng tulong ang mga biktima at inabot pa ng alas-10:00 ng umaga ng makuha ang wala ng buhay na si Tolentino samantalang nahirapan naman ang mga rescuers sa pagkuha sa iba pang biktima na kinailangan pang gamitan ng cutter upang maputol ang mga nakapalibot na puno sa lugar.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang driver ng truck na si Ardona na pinaghihinalaang nakatulog na nagdulot sa aksidente. MARIVIC FERNANDEZ