DUMUKOT SA FIL-AM TRADER TINUTUGIS NG AFP AT PNP

Kidnap

ZAMBOANGA DEL NORTE- NAKAALERTO ang tropa ng 42nd Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines at 902nd Regional Mobile Force Company para mabawi ang dinukot na 64-anyos na negosyanteng Filipino American sa liblib na bahagi ng Barangay Tapanayan sa Dapitan City sa lalawigang ito noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Maj. Gen. Generoso Ponio, commander ng Army’s 1st Infantry Division katuwang ang pulisya at iba pang security forces ng gobyerno, tinutugis na nila ang mga armadong kalalakihan na tumangay kay Rex Triplet ng Barangay Piacan, Si­rawai.

Sa inisyal na ulat, magkakaangkas sa motorsiklo ang biktimang si Rex at ang 24-anyos na asawang si Celsa Maani Triplet at mga anak patungo sa kanilang bahay nang harangin ng apat na armadong kalalakihang naka-camouflage uniforms.

Nanlaban ang pamilya Triplet kaya nagawang makapiglas at makatakas ang asawa ni Rex at mga anak upang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Mabilis na rumesponde ang ilang operatiba ng pulisya sa pangunguna ni P/Lt. Roy Malayo, deputy chief ng Sirawai Police Station subalit hindi inabutan ang mga kidnaper na tumahak sa magubat na bahagi ng nabanggit na barangay.

Kasalukuyang sinusuyod ng mga operatiba ng pulisya katuwang ang tropa ng militar ang kagubatan ng nasabing barangay. VERLIN RUIZ

Comments are closed.