BATANGAS-KASONG kidnapping at homicide ang inihain sa piskalya ng binuong Task Force laban sa 7 pangunahing suspek na dumukot sa isang lalaki sa Taal, Batangas at natagpuan patay sa Sariaya, Quezon dalawang linggo na ang nakararaan.
Ayon sa pahayag ni Lt Col. Jezreel Calderon, deputy provincial director for operation ng Batangas, ang naturang kaso ay inihain kahapon ng umaga sa Batangas prosecutors office laban sa mga suspek sa pangunguna ng isang nagngangalang Jefferson Sanchez at anim pang John Does.
Ayon pa kay Calderon, si Sanchez at ang anim nitong kasama ang nakita sa CCTV at itinuturo ng isang witness na dumukot kay Eugene del Rosario sa isang gasolinahan kung saan nag-viral ang pangyayari sa social media.
Matatandaan na makaraan ang pagdukot kay del Rosario natagpuan ang bangkay nito ng isang netizen sa isang eco park sa Sariaya, Quezon kinabukasan na may balot ng plastic ang buong mukha at may mga saksak at tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Sinabi rin ng mga imbestigador na onsehan sa pera ang motibo sa krimen kung saan isa umano si del rosario sa miyembro ng mga ” bukas kotse gang” sa Metro Manila.
Sa ipinakitang CCTV footage ng pagdukot sa biktima, positibong kinilala ng mga kaibigan at pamilya ni del rosario si Sanchez na siyang nanguna sa pagdukot sa 25-anyos na biktima. ARMAN CAMBE