DUQUE ET. AL HAHARAP SA KORTE KAUGNAY SA VACCINATION NG MINORS

NAKATAKDANG magpaliwanag ngayong araw ng Martes kay Quezon City Regional Trial Court Judge Primo Sio, Jr. ng Branch 96 sina Health Secretary Francisco Duque III at spokesperson at undersecretary Ma. Rosario Vergeire kaugnay sa petisyon ng ilang magulang na mapigil ang bakunahan sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11 kontra Covid-19.

Mismong si Public Attorneys Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta ang handang magsilbing counsel para depensahan ang mga magulang na sina Dominic Almelor ng Quezon City at Girlie Samonte ng Tondo, Manila na naunang naghain kamakailan ng petition.

Kabilang pa sa ipinatawag sa gaganaping video conference hearing hinggil sa application ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction ay ang Office of the Solicitor General at Health Services Team ng DOH.

“We will do our best to convince the court the need to stop this pediatric jab rollout for being unconstitutional and null and void,” pahayag ni Acosta.

Iginiit ng PAO chief na kinakailangan ang parental consent sa mga menor de edad bago ito payagang maturukan ng naturang bakuna at karampatang hakbang para masigurong ligtas sa kapahamakan ang mga bata.

Mariin pa ring kinontra ni Acosta ang memorandum ng DOH na sakaling hindi pumayag ang magulang na mabakunahan ang kanilang mga anak subalit gusto ng anak, ang estado ang magbibigay ng parental authority para matuloy ang bakunahan.

Nakikita ni Acosta na may mali sa bahagi ng naturang memorandum bunsod ng hindi pagsang-ayon ng mga magulang na mabakunahan ang kanilang anak bagamat walang anumang batas na naipasa para gawing mandatory ang vaccination sa mga kabataan.

“While the memorandum made mention of informed consent, it likewise allows consent to be given by the DSWD or their local counterparts in lieu of the parents’/ guardians’ consent when the latter refuse but the children assent to the vaccination,” saad pa ni Acosta. BENEDICT ABAYGAR