DUQUE HANDANG MAG-RESIGN

HANDA si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na bumaba na sa kanyang puwesto sa sandaling malinis na niya ang pangalan ng DOH sa Commission on Audit (COA).

Nauna rito, nanawagan si Senator Bong Go kay Duque na gumawa ng ‘supreme sacrifice’ pagdating ng tamang oras matapos manindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya sisibakin sa puwesto sa kabila ng panawagan ng ilang sektor.
“‘Yun naman ang aking pakiusap na i-clear ang COA findings, COA observations, ang aming action plan doon sa recommendations and then I am leaving,” pagtiyak naman ni Duque, sa panayam sa radyo at telebisyon.

Sinabi ng kalihim na nakikipag-usap na siya ngayon sa mga hepe ng regional offices ng DOH at DOH hospitals, gayundin sa mga pinuno ng mga treatment rehabilitation centers sa buong bansa upang siguruhing tatalima sila sa requirements at mga rekomendasyon ng COA.
“It’s a matter of time. ‘Yun naman talaga ang hiningi ko. I’m stepping down… pero bigyan lang ako ng kaunting panahon para maayos namin ng DOH ang lahat ng COA observations and findings,” aniya pa.

Nagpahayag din naman ng paniniwala ang kalihim na hindi maaapektuhan ng kanyang pagbibitiw ang COVID-19 response sa bansa.

Aniya, maayos naman na ang takbo ng vaccination program at inaasahang magdaratingan na sa bansa ang mga suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa huling bahagi ng taong ito.

Tiniyak din niya sa publiko na wala siyang anumang ibinulsang pondo mula sa pondo ng DOH.

Dagdag pa niya, itinuturing niyang isa sa kanyang mga iiwanang legasiya, ang kanyang pagiging DOH chief sa panahon ng COVID-19 pandemic.

“Ako ang naging kalihim [during the pandemic] at huhusgahan ako ng taumbayan kung ‘yung bilang ng namatay ba ay napakalaki, katulad ng ibang bansa na daang libo o isang milyon ang namatay. Sa atin naman kahit papaano mismong si Senator [Richard] Gordon na nagsasabi na ang death rate natin ay mababa compared sa ibang bansa,” ani Duque.

“So let the people be the judge. ‘Yung judgment na ‘yan unfortunately ‘di puwedeng dumating ‘yan ngayon. Matagal pa darating ‘yang judgment na ‘yan kapag halimbawa naayos na ang herd immunity, ang vaccination ng lahat ng mamamayan at maging common cold na lang ang COVID-19. Ibig sabihin malaki ang papel na aking ginampanan diyan, lalong lalo na ang papel na ginampanan ng DOH,” aniya pa. Ana Rosario Hernandez

4 thoughts on “DUQUE HANDANG MAG-RESIGN”

  1. 380389 903317hi this post help me full . .in case you want watches men pay a visit to my websites is very assist you for men watches. .thank man very good job. 206750

Comments are closed.