DUQUE, NA-EXPOSE SA COVID 19, NAG-HOME QUARANTINE

SEC DUQUE

INAMIN ni Health Secretary Francisco Duque III na na-expose siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaya’t kinailangan niyang magpasuri at sumailalim sa home quarantine ngayon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-2019).

Ayon kay Duque, isang direktor ng DOH na una nang nakitaan ng sintomas at malaunan ay nakumpirmang dinapuan ng virus ang kanyang nakasal-amuha sa isang pulong.

Naisailalim naman na umano si Duque sa pagsusuri laban sa virus ngunit nakapila pa ang kanyang swab samples.

Posible aniyang aabutin pa ng mula dalawa hanggang apat na araw bago mailabas ang resulta nito.

Tiniyak naman ni Duque na sa ngayon ay nananatiling ‘asymptomatic’ o wala siyang sintomas ng sakit ngunit matinding pag-iingat aniya ang kanyang ginagawa dahil bukod sa asthmatic siya, ay mayroon na rin siyang altapresyon.

“Opo, naka-home quarantine po ako ngayon dahil na-expose po ako sa isang direktor ng DOH na nagpositibo sa COVID-19,” ani Duque, sa pa-nayam sa radyo. “So far maayos naman ang aking pakiramdam, okey naman ako, wala akong lagnat, pero matinding pag-iingat po ang aking ginagawa dahil may altapresyon po ako at asthmatic.”

Tiniyak naman ng kalihim na naka-social distancing siya sa kanyang mga kasama sa bahay.

Tuloy rin aniya ang kanyang trabaho kahit nananatiling naka-home quarantine.

Paglilinaw pa ni Duque, wala namang dapat na ikabahala ang mga nakahalubilo niya na mga opisyal ng pamahalaan, partikular si Pangulong Rodri-go Duterte, at mga miyembro ng Inter Agency Task Force, dahil nagpapatupad naman sila ng social distancing ng hanggang tatlong metro sa kanilang mga pulong.

Hindi rin aniya sila nakikipagkamay sa isa’t isa, madalas na mag-alcohol, at hindi rin nila hinahawakan ang mga personal na gamit ng isa’t isa upang makaiwas sa virus.

Wala pa rin naman aniyang kasiguruhan kung positibo siya sa sakit dahil wala pang resulta ang COVID test na isinagawa sa kanya.

Sa ngayon  ay pinapalakas niya ang kanyang immune system at resistensiya sa pamamagitan ng pag-inom ng Vitamin C, calamansi juice, at pagkain ng mga gulay at prutas.

Paliwanag ni Duque, dahil wala pang gamot at bakuna kontra COVID-19 ay ang mga antibodies lamang ng ating katawan ang siya ring papatay sa virus.

Pinayuhan din  ni Duque ang publiko na panatilihing malusog ang kanilang mga katawan para malabanan ang sakit.

Dapat rin aniyang sundin ng mga ito ang mga panuntunan ng DOH na manatili sa bahay, magkaroon ng proper hygiene, partikular na ang madalas na paghuhugas ng kamay na napatunayan na ng World Health Organization (WHO) na mabisang panlaban sa virus.

Mahalaga rin aniya na magkaroon ng proper cough etiquette, umiwas sa mga bisyo gaya ng paninigarilyo, at hindi na rin dapat na magpuyat at umi-was sa labis na stress, na siya aniyang nagpapabagsak ng resistensiya ng ating katawan.

Pinawi pa ni Duque ang pangamba ng publiko laban sa virus dahil mild lamang ang karamihan ng mga naitatala nilang kaso ng sakit at kusang na-wawala nang hindi nangangailanan ng anumang lunas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.