KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na nagnegatibo na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, lumabas na ang resulta ng COVID test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kay Duque nitong Sabado ng gabi at lumitaw na negatibo siya mula sa virus.
Sinabi ni Vergeire na nasa maayos pa rin ang lagay at pakiramdam ngayon ni Duque.
Nananatili pa rin aniyang naka-home quarantine ang kalihim ngunit tuloy ang pagtatrabaho nito.
“Ngayon po ang ating secretary of health is still working at home. Kakakausap pa lang po namin. Siya po ay nasa maayos na kondisyon. Wala po siyang nararamdamang sintomas,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa radyo.
“At lumabas na po ang kanyang resulta (COVID test) kagabi (Sabado), at ito po ay negatibo,” aniya pa.
Nauna rito, kusang nag-home quarantine si Duque matapos na magkaroon ng close contact sa isang direktor ng DOH na nakitaan ng sintomas ng COVID-19 at malaunan ay nagpositibo sa virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.