DUQUE PINAG-IISYU NG STATEMENT NA WALANG EPEKTO ANG ASF SA TAO

Francisco Duque2

HINILING ni Senador Francis Tolentino kay Health Secretary Francisco Duque na maglabas ng pahayag na nagsasabing walang anumang epekto ang African Swine Fever (ASF) sa mga tao.

Ito ang inihayag ni Tolentino matapos gisahin sa budget hearing ng DOH ang kalihim kaugnay sa napapabalitang pagkalat ng ASF sa bansa.

Layon nito, anang senador na maibsan ang pangamba ng publiko sa lumalalang problema sa ASF.

Sa pagtatanong ni Tolentino, lumabas na wala umanong epekto ang ASF sa mga tao na taliwas sa iniisip ng marami.

“Ano ba ang possible effect kapag kumain ka ng pork na may ASF? Kasi ang US government issued a statement, hindi raw natin nako-control ang sakit nitong mga baboy, so ano ba ang epekto kapag kumain ka nito?” tanong ni Tolentino kay Duque.

“Wala hong mangyayari, wala pong ebidensya na magpapakita na African Swine Fever can cause di­sease in human health,” ani Duque.

Dahil dito, iginiit ni Tolentino na dapat maglabas ng pahayag ang DOH kaugnay sa isyu para maiwasan ang public scare na siya na ngang nangyayari ngayon.

“So perhaps you can issue a statement kasi ‘yung Antipolo, Rizal nag-aaway-away na, sumali pa nga­yon ‘yung ilang international agencies, makatutulong itong public statement n’yo, para magkaroon naman ng kapanatagan ng loob ang mga tao,” diin ng senador. VICKY CERVALES

Comments are closed.