DUROG NA CORALS SA WPS POSIBLENG DAHIL SA BAGYO

PALAWAN – INAALAM pa ng isang Pinoy marine scientist kung natural na pangyayari o sinadya ang nadiskubreng tambak na durog na mga coral malapit sa Sabina shoal o kilala din sa tawag na Escoda shoal sa West Philippine Sea, na nasasakupan ng lalawigang ito.

Ayon kay Dr. Jonathan Anticamara, marine scientist, ng University of the Philippines Institute of Biology na nagtungo siya sa lugar para magsagawa ng marine scientific survey.

Magugunitang kamakailan ay natanong din siya sa isang pulong blitaan kung mayroon ngang reclamation activities sa Escoda shoal matapos na sabihin ng Philippine Coast Guard na ang durog na mga coral ay itinatambak bilang paghahanda umano para sa island-building ng China.

Aniya, hindi 100% sigurado kung mayroon ngang pagtatapon ng corals o reclamation sa lugar dahil hindi nakita ang China na nagtatapon sa lugar bagamat naobserbahan aniya sa mga nakalipas na taon ang dumadaming tambak na durog na corals.

Naghihinala si Anticamara na na sa lawak ng nasira o patay na corals sa naturang shoal maaaring ito ay dahil sa mga bagyo na tumama sa lugar.

Wala naman pa sa ngayong sapat na ebidensiya para masabi na kagagawan ng China ang nadiskubreng malawak na pinsala sa mga coral sa lugar. EUNICE CELARIO