DUSA NG PUBLIKO SA LTO ‘DI NAIBSAN

DISMAYADO nitong mga nakaaraang linggo ang mga nagtungong customers sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO), sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng napakahabang pila at kaliwa’t kanang abiso na nagsasaad na “offline” ang information technology (IT) portal ng ahensiya na Land Transportation Management System (LTMS) na gawa ng banyagang IT contractor na Dermalog.

Ang pagbabagal ng LTMS ay unang naranasan noong mga huling araw ng Agosto at nagdulot ng pagkaantala ng serbisyo ng LTO sa pagbibigay ng lisensya at rehistro ng mga sasakyan sa iba’t ibang rehiyon kabilang na ang National Capital Region (NCR).

Ayon sa hepe ng LTO-Makati District Office na si Marinette Abarico, sa isang panayam sa media, ito na ang ‘worst’ o pinakamalalang slowdown na naranasan nila simula nang ipinatupad ang LTMS.

Maging sa Davao, ramdam din ang aberya ng LTMS. Sinabi ng hepe ng LTO-Davao South District Office na si Melencio Diaz, sa kanyang panayam sa radyo, na kinakailangang mag-overtime ang ilan sa kanilang mga empleyado kahit na rest day o holiday para lang matugunan ang isang buwang backlog sa vehicle registration.

Ipinakita rin sa ilang report ng media nitong nakaraang linggo ang hirap na dinaranas ng ilang motorista sa pakikipag-transaksyon sa LTO.

Sa ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN, inilahad ang aberyang dinanas ng motoristang si Likha Cuevas na halos isang linggong pabalik-balik sa mga tanggapan ng LTO para maparehistro lamang ang sasakyan.

Ani Cuevas, dapat na tutukan ng LTO ang problema ng kanilang IT system provider dahil maraming mamamayan ang labis na napeperwisyo. Ang ilang motorista naman, kinailangang lumiban sa trabaho ng ilang araw at isakripisyo ang arawang kita para tapusin ang pagpaparehistro ng motorsiklo.

Ang ilan, sa social media naglabas ng mga hinaing. Ibinahagi ng mobility website na Visor ang Facebook post ng netizen na si Rsh Beato na may caption na “Wasting hours at LTO because they are offline.”

Nagkomento sa post na ito ang ilang netizen na nakaranas din ng parehong sitwasyon kagaya ni Louis Matthew Gabriel na nagsabing nasayang ang dalawang araw niyang pagliban sa trabaho dahil wala siyang napala sa kanyang lakad sa LTO. Reklamo naman ni Shane Ramos ang mahabang pila sa LTO-Bataan dahil sa pagpalya ng LTMS na aniya’y malaking aberya sa mga estudyante at empleyado.

Nauna nang humingi ng paumanhin ang LTO dahil sa pagbagal ng LTMS at mariing itinanggi ang alegasyon ng pananabotahe sa loob mismo ng ahensiya kaya nagkaroon ng pagbabagal.

Matatandaang noong 2018 ay nakuha ng Dermalog ang P3.4 billion Road IT project na naglalayong pabilisin sana ang transaksyon sa LTO gamit ang digital solutions.

Ang halagang ito ay kabilang sa Component A ng naturang proyekto na may kinalaman sa pagbuo ng LTMS at hiwalay pa sa Component B na nagkakahalaga naman ng P4.8 billion.

Nauna rito, sinabi ng Commission on Audit (COA) na nagkaroon ng “undue payment” ang LTO sa Dermalog dahil hindi pa natatapos ng dayuhang IT contractor ang mga deliverables nito na siyang dahilan ng mga aberya sa ahensiya ngunit sila ay nabayaran na.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng Dermalog na si Atty. Nikki de Vega, sa kanyang panayam sa DZBB, na nakatanggap na ng halos P3 bilyon na kabayaran ang foreign IT company mula sa gobyerno.

Nagpasaklolo na ang LTO sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para masolusyunan ang problema sa LTMS. Patuloy ang imbestigasyon at inaasahan ng LTO ang paglabas ng inisyal na resulta mula sa DICT sa susunod na linggo.

Sa kabila ng system slowdown ay patuloy ang mabagal na pagpoproseso ng mga transaksyon sa LTO at limitadong kakayahan at inaabisuhan ang mga naghihintay na kliyente na bumalik sa ibang araw. BENEDICTO ABAYGAR, JR.