DUTERTE: ANG LIDER NA GUMISING SA PARTISIPASYON

Duterte-51

ANG pagkakanya-kanya ay inakalang likas sa Filipino, maling pag-aakala dahil may mga ebidensiya na ang Filipino ay para sa pagtutulungan, isinasadiwa sa kaugaliang bayanihan. Kung bakit minamali ang perspektibo sa patingin sa pagka-Filipino ay hiwaga ng mga mapangsukol na propaganda na namana sa daan-daang taong pagkakakolonisa.

Habang nagtatalo-talo at nagkakaroon ng dibisyon ang bansa ay nanatiling mahina, ang pundasyon ng pagsulong ay hindi naapuhap. Ganyan ang ilang mga pangyayari sa kasaysayan kung saan ang mga Filipino ay nagbenta ng kapwa Filipino sa mga dayuhang mananakop.

Taong 2016 na halos umalingawngaw ang pangalang Duterte sa pambansang entablado ng Filipinas, isang alkalde na mula sa Mindanao na naghahangad maging pangulo ng bansa. Naglalakihang mga pangalan sa politika ang maka-katunggali niya noon.

Kung paanong naging bukambibig ang pangalan niya sa bawat tahanan ay bunga na rin ng kakaibang istilo niya ng pagsasalita, ng paghahayag ng kanyang nasa isip at radikal na mga solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.

Ngunit ano nga ba ang pinukaw ni Rodrigo Roa Duterte? Mula sa pagkakakulong sa mentalidad na wala nang ­mangyayari sa bansa kahit sino pa nga ang iluklok na pangulo, na walang kalakasan ang bawat mamamayan lalo sa mga pambansang polisiya na ipinasusunod sa kanya ng burukrasya, hanggang sa mala-robot na pagsunod sa agos na pinapapaniwala  ng oligarkiya sa sambayanan, ginising ng isang Duterte sa pagkakahimbing ang mga Filipino, sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng posibilidad ang partisipasyon ang bawat isa.

Lumakas ang loob ng nakararami, lalo na ng mga tinatawag na milenyal na isaboses at isagawa ang noo’y mga nasa isip at puso lamang nila. Sila mismo ang mga naging sundalo ni Duterte sa social media na nakipaglaban sa mga dambuhalang makinarya ng propaganda ng kanyang mga katunggali.

Hanggang manalo na nga siya at masungkit ang upuan sa Malakanyang. Partisipasyon ng nakararami ang naging susi at ito rin ang patuloy na kinikiliti ng Pangulo sa kanyang mga programa, proyekto at mga talumpati.

Maayos na maayos na ang pagtakbo ng mga programa ng pamahalaan, kahit pa nga manaka-naka ay may mga kati-waliang nabubungkal sa mga ahensiya ng pamahalaan kahit sa gitna ng pagpupursige ng Pangulo na malinis na sana ang burukrasya mula sa mga tiwaling opisyal.

Tuloy-tuloy na sana dahil  kahit pa nga may mga masasamang elemento pa rin sa pamahalaan ay sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga naniniwala kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay maisasaayos din sana ang lahat, ngunit ang hindi inaasahan ng lahat ay ang pagtama ng pandemya sa kapuluan na siyang pinakamalaking hamon ngayon sa administrasyon at sa bawat mamamayan.

Partisipasyon pa rin ng bawat isa ang susi upang mapagtagumpayan ang pandemyang dala ng COVID-19. Nakalikha ang virus ng bagong strain ng mga korap na opisyal at dito kinakailangang mas maging  aktibo ang mamamayan upang masugpo ang COVID-19 at ang virus ng korupsiyon sa pamahalaan.

Inipit ang pagbili ng bakuna, noong una’y inipit ang mass testing, ngayo’y maiipit ang pang muli at lalo ang kalayaan ng bawat Filipino.

Nalalaman ng Pangulo na nagagamot ang COVID-19, nababawasan ang pagkalat nito sa pamamagitan ng basic health protocol, na may sapat na pondo ang pamahalaan upang mamili ng vaccine nang hindi iaasa lahat sa pama-malimos ng mga dose ng bakuna sa ibang bansa.

Ang mga baraha ay nasa harap ng Pangulo sa kanyang pagdiriwang ng ika-76 na kaarawan, at ang dasal ng maraming mga Filipino na naniniwala sa paggising niya sa kanilang partisipasyon sa pamamahala, ay ang gabay ng Langit na maitama niya ang mga desisyon ng kanyang Gabinete, at ang mga lihis ay maputol niya. ED CORDEVILLA

One thought on “DUTERTE: ANG LIDER NA GUMISING SA PARTISIPASYON”

Comments are closed.