UMAASA si Senador Christopher Bong Go na magkakaayos din sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Manny Pacquiao matapos ang isyu ng korupsiyon sa gobyerno.
Sinabi ni Go na pare-pareho rin naman ang kagustuhan nilang labanan ang korupsiyon at pareho silang Mindanaoan.
Ayon kay Go, dati na nilang panawagan ni Pangulong Duterte na isumbong kung may nalalamang korupsiyon sa gobyerno basta mayroong ebidensiya.
Nilinaw ni Go na nais niyang maging patas sa mga nagtatrabaho sa gobyerno na gusto lang namang magserbisyo sa bayan.
Dapat aniyang bigyan ng pagkakataon ang mga tao sa gobyerno na patunayang hindi lahat ay may ginagawang kalokohan.
Samantala, tiniyak ni Go na suportado pa rin nila ni Pangulong Dutere si Pacquiao sa kanyang nalalapit na laban.
Hangad nila ang tagumpay ni Pacquiao dahil Filipino pa rin ito at malaking karangalan sa bansa ang kanyang panalo.
Matatandaan na nagkaroon ng fall-out sa pagitan nina Pangulong Duterte at Pacquiao matapos ihayag ng senador na mas malala ang korupsiyon sa kasalukuyang administrasyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.