NAKIISA rin sina Pangulong Rodrigo Duterte at Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go sa milyon-milyong Filipino na nakikipagsapalarang manalo sa jackpot price ng Ultra Lotto 6/58 na aabot na sa mahigit 850 milyong piso.
Ayon kay Go, noong isang linggo at kahapon ay nagpataya na rin si Pangulong Duterte ng kanyang mga numero para sa lotto draw mamayang gabi.
Sinabi ni Go na sa isang lotto outlet sa Maynila nagpataya ang Pangulo ng kanyang 18 combinations na may kahalong lucky pick habang siya ay dalawang kombinasyong taya lamang.
Hindi na aniya bago sa Pangulo ang pagtaya sa lotto sapagkat ginagawa na nila ito sa nakalipas na limang taon.
Sinabi pa ni Go na sakaling palarin ang isa sa kanila ay ilalaan nila ang kalahati ng mapapanalunang salapi sa Malasakit Center Program na nasa iba’t ibang ospital ng gobyerno sa bansa.
Noong nakaraang Martes ng hapon maging ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte ay tumaya rin sa 6/58 lotto sa local lotto outlet sa Mabini Street sa Davao City.
Sinabi ng alkalde na kabilang sa kanyang bibigyan ng balato sakaling manalo sa lotto ay si Senador Antonio Trillanes IV upang may pambayad sa attorney’s fees sa kanyang mga kinakaharap na mga kaso. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.