NASA 38 National Sports Associations (NSAs) ang nakapagsumite na ng accreditation form para sa 2019 Southeast Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Kaugnay nito ay nanawagan si Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez sa mga hindi pa nakapag-susumite na magsumite na sa madaling panahon para maituon niya ang kanyang atensiyon sa ibang mas mahahalagang bagay na may kinalamana sa pagdaraos ng biennial meet na tatampukan ng mahigit sa 11,000 atleta mula sa 11 bansa.
“I am calling the attention of those NSAs not yet submitted their accreditation forms to submit immediately because the SEA Games is just few months away,” sabi ni Ramirez.
Bilang tradisyon, magiging guest of honor at guest speaker si Presidente Rodrigo Duterte sa opening ceremony na gagawin sa state-of-the-art New Clark City Sports Complex at dadaluhan nina Ramirez, Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chief at Taguig Congressman Alan Peter Cayetano, Commissioners Dr. Celia Kiram, Arnold Agustin, Ramon Fernandez at Charles Maxey, POC officials at foreign dignitaries.
Ang NSAs na nakapagsumite na ng kanilang accreditation form ay ang arnis, baseball, badminton, boxing, floorball, golf, ice hockey, ice skating, jijitsu, karatedo, muaythai, shooting, sailing, sepak takraw, softball, soft tennis, underwater hockey, weightlifting, wrestling, wushu, rowing gymnastics, bowling, polo, indoor hockey, squash, petangue, sambo, dancesport, cycling, windsurfing, handball, athletics, tennis, lawn tennis, fencing, rugby at taekwondo.
Kasama sa hindi pa nakapagsumite ang basketball, billiards, football, canoe/kayak at swimming.
Bukod sa New Clark City Sports Complex, lalaruin din ang ibang sports sa makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex at ang water sports canoe/kayak, windsurfing, sailing, at dragon boat ay gagawin sa Subic Freeport Zone.
Sinimulan na ng PSC ang pagpapaayos sa mga pasilidad sa Rizal Sports Complex kung saan gagawin ang gymnastics, lawn tennis at soft tennis.
“We are renovating and refurbishing the facilities of the historic Rizal Memorial Sports Complex because some of the sports will be held here,” wika ni Ramirez.
Ang Rizal Memorial Sports Complex na itinayo noong 1934 ay nagsilbing main venue sa edition ng SEAG noong 1981, 1991 at 2005.
May 56 sports at 523 medalya ang paglalabanan sa 11-nation biennial meet na huling idinaos sa Malaysia noong 2017. CLYDE MARIANO