DUTERTE HANDA NA SA PAGPAPABAKUNA

Presidential spokesperson Harry Roque

HANDANG-HANDA na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapabakuna at sa katunayan ay nagboluntaryo pa na kung maari ay unang maturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay sa sandaling may aaprubahan na ang Food and Drug Administration na emergency use authorization (EUA) ng bakuna.

Sinabi ni Roque, nais kasing ipakita ni Pangulong Duterte sa sambayanan na ligtas at epektibo ang bakuna at dumaan sa panel group ng  Filipino experts.

Tiyak din kasi aniyang dumaan ito sa highest endorsement.

Subalit nilinaw ni Roque na ang iba pang mga miyembro ng gabinete tulad nina

Health Secretary Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ay nak-asalalay na sa kanilang mga personal na desisyon kung sasama sa unang batch ng tuturukan ng bakuna.

Nagpahayag ng pangamba ang ilang sektor kaugnay sa pagiging epektibo at ligtas ng iba’tibang bakuna kontra COVID-19 na dinedevelop sa ibang bansa.

Ang pamahalaan sa pamamagitan ni Galvez, na tinaguriang vaccine czar at ang Department of Health ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa  pharmaceutical companies sa abroad para sa bibilhing bakuna ng Filipinas.

“Well, the President could no longer wait. He really wants to be vaccinated to show to the whole nation that (the vaccine) is safe and effective, that it passes through the expert panel group, expert Filipinos, and it comes with their highest endorsement that it is safe and effective,” sabi ni Roque.

Ang mahalaga ngayon ayon pa kay Roque ay magkaroon ng kumpiyansa ang publiko na ligtas at epektibo ang bakuna na bibilhin ng Filipinas.

“So, if there are high-ranking officials who will serve as the examples for having the vaccine to show that it has no negative effect, we welcome that. But just like what I’ve said, the opposition will again say there is a VIP treatment,” dagdag pa ni Roque. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.