KINUMPIRMA ng Malakanyang na handa na si Pangulong Rodrigo Duterte na maisapubliko ang kaniyang pagpapabakuna kontra COVID -19.
“ As I said, I have already knew the decision of the President and he will make his vaccination in public because this seems to be needed in order to have what we call as vaccine confidence,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panayam sa kanya sa radyo.
Ayon kay Roque, ito ang naging pasya ng Pangulo kung ito aniya ang makatutulong para maitaas ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.
Sinabi pa ni Roque na may public clamor para sa pagsasapubliko sa pagpapaturok ng bakuna ng Pangulong Duterte kaya pumayag na rin ito.
Maliban dito, nasa priority list din aniya ang 75 taong gulang na Pangulo bilang senior citizen para maunang mabakunahan.
Hindi naman masabi ni Roque kung kasama rin sa priority list si Vice President Leni Robredo makaraan itong magboluntaryo na unang mabakunahan din para maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna.
Samantala, sa press briefing kahapon ay sinabi ni Dr. Minguita Padilla ng University of the Philippines-College of Medicine na makatutulong na maitataas ang antas ng kumpiyansa ng mga mamamayan kung mismong ang mga doctors, government officials sa national at local levels at maging ang mga kilalang personalidad ang unang magpapabakuna at handang isapubliko ito.
Inaasahang darating sa bansa sa buwang ito ang COVID-19 vaccines. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.