DUTERTE IPINAREREPASO ANG BEEP CARD CONCESSION AGREEMENT

BEEP CARD-2

NAGBIGAY ng order si Presidente Rodrigo Duterte na repasuhin ang government concession agreement sa Beep card provider AF Payments Inc. kasunod ng 10-pisong dagdag sa card issuance fee sa pagsisimula ng taong 2020.

Sinabi ng Mala­cañang na gusto nitong siguruhin na walang mga probisyon sa kasunduan na dapat ay panig sa publiko, ayon sa report kama­kailan.

“Lahat iyon ay pag-aaralan at rerepasuhin ng Presidente. Hindi matatapos ang termino niya na hindi niya tutuklasin ang mga onerous provisions in any existing contract involving government,” lahad ni Presidential Spokesperon Salvador Panelo.

Pahayag rin ni Trans­portation Secretary Arthur Tugade na rerepasuhin din nila ang kontrata.

“Lahat ng concession agreement pinaparepaso, ‘di ba’t ayaw ng pangulo na mayroong mga agreement, concession agreement, o kontrata na nagsasamantala?”

“Halimbawa, ‘yung rate sila lang magde-decide. ‘Yung babayaran taon-taon, ‘yung tinatawag na annual grantor’s fee, bakit kailangang magbayad gayung lupa ng gobyerno ‘yun,” sabi ni Tugade.

Ang AF Payments Inc. ay isang joint venture sa pagitan ng Ayala Corporation at ng First Pacific group ni Manny Pangilinan.

Nauna nang niliwanag ng Department of Transportation (DOTr) na ang issuance fee lamang ng Beep card ang tumaas, hindi ang pasahe sa LRT1, LRT2, at MRT3, dahil sa automatic provision sa concession agreement na kanilang pinirmahan sa AF Payments Inc. noong 2014.

Sa isang pahayag, sinabi ng kompanya na hindi sila makakapagkomento sa isyu dahil hindi sila direktang nagbebenta ng Beep cards sa mga pasahero.

Comments are closed.