INAASAHANG sa Mayo 2021 pa maaaring mabakunahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng COVID 19 vaccine galing sa Russia.
Sa ginanap na televised press briefing kahapon sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang pagbabakuna kay Pangulong Duterte ng Sputnik-V na dinedevelop ng Gamaleya Institute ay mangyayari lamang matapos ang sabay na pagsasagawa ng clinical trials sa Filipinas at Russia mula Oktubre hanggang Marso ng susunod na taon.
“Russia will fund the clinical trials to be conducted in the Philippines. By April, it is expected that the Russian vaccine will be registered to Food and Drug Administration,” sabi ni Roque
Ayon kay Roque, kapag nangyari ito ay saka pa lamang mababakunahan si Pangulong Duterte ng nabanggit na Russian vaccine sa Mayo 2021 base na rin sa pagtaya ng Department of Health at Department of Science and Technology.
Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Russia sa pag-aalok ng nabanggit na bakuna at upang ipakita ang kanyang pagkilala ay boluntaryong nagpahayag ng kahandaan na mabakunahan upang maipakita na kung ligtas para sa kanya ang bakuna ay inaasahang mas ligtas ito para sa sambayanang Filipino.
Sinabi ni Roque na bago pa man isagawa ang mga clinical trials sa Filipinas ay magkakaroon ng review ng mga vaccine expert panel ang resulta ng mga clinical trials phase 1 and phase 2 na ginawa sa Russia.
Bukas din ang Russia na maibahagi ang teknolohiya para sa local manufacturing nito at gayundin ang paghimok sa iba pang mga bansa na tumulong sa pagma-manufacture ng naturang bakuna.
Bagamat sa susunod na taon pa magagamit ang Russian vaccine ay umaasa rin naman si Roque na ang iba pang mga bansa tulad ng Estados Unidos at China ay posibleng makapagpalabas ng kanilang CoVID 19 vaccine ng mas maaga. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.