(Duterte magtsi-cheer sa mga Pinoy) GILAS VS ITALY

Gilas

SA IKALAWANG sunod na FIBA World Cup ay makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang mga bigatin sa torneo, simula sa showdown kina Danilo Galinari, Marco Belinelli at sa iba pang topnotch Italian players sa opening day ng kumpetisyon sa China.

Maghaharap ang Fi­lipinas at Italy sa World Cup sa unang pagkakataon sa loob ng 41 taon kung saan mismong ang Chief Executive ng bansa ang mangunguna sa pagtsi-cheer sa mga Pinoy sa kanilang 7:30 p.m. duel sa Foshan International Sports and Cultural Arena.

Sisikapin ni coach Yeng Guiao at ng kanyang tropa na makasilat upang magkaroon ng pagkakataon na umusad sa second round sa 32-nation meet.

Aminado si Guiao na halos imposible na talunin nila ang Serbia kaya umaasa silang malulusutan ang Italy at mamayani rin sa Angola upang maiwasang agad na bumagsak classification round.

Sa run-up sa Foshan meet, ibinuhos ng Nationals ang lahat ng kanilang lakas at atensiyon sa Italian squad  na tinatampukan ng mga NBA player, sa katauhan nina 6’10 Galinari, 6’5 Belinelli at 6’8 Gigi Datome.

Ngunit batid ang kalibre ng kumpetisyon, hindi masyadong pine-pressure ng Nationals ang kanilang sarili, sa halip ay ninanamnam nila ang sandali ng World Cup.

“I’m looking forward to just competing against the best in the world. It’s almost unbelievable to say that. It’s also something we can be proud of as Filipinos and for the PBA as a league because the league is able to produce players of caliber who can compete at the world level,” ani Guiao.

Naniniwala naman si Guiao na may tsansa silang manalo kapag pumutok sila sa labas.

Sa mahusay na shooting, ang Nationals ay nanalo sa apat na friendlies, kabilang ang dalawa kontra Ivory Coast sa Spain at isa laban sa Adelaide 36ers sa home.

May bentahe ang Italians sa size at mayroon silang shooters, sa pangunguna mismo ni Belinelli, ang NBA three-point shootout champ noong 2014.

Subalit hindi maganda ang nilaro ng Italians sa friendlies, kung saan yumuklo ito sa Russia, Greece, Serbia, Turkey, New Zealand at France.

Ang isang bagay na sigurdo para sa mga Pinoy ay ‘highly motivated’ sila.

“(We have) same motivation as last time: We want to go out and prove to the world that we belong,” wika ni Gilas skipper Gabe Norwood.

“We’re the underdogs but it’s like it’s okay. It’s great to shock people,” sabi naman ni naturalized player Andray Blatche. “Our main focus is to get two wins. Last time we got one, this time get two wins and advance.”

Comments are closed.