Duterte mapagkunwari sa pagsasabing ipinagtanggol ang malayang pamamahayag — ex-OVP spox

NAGKUKUNWARI si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ang administrasyon ay pinayagan ang pagpapasara sa isang major television network at binawalan ang isang reporter na mag-cover sa Malacañang, sa pagsasabing idinepensa ang malayang pamamahayag at ang karapatan na magprotesta.

Ginawa ng mga dating kalaban ni Duterte mula sa kampo ni dating Vice President Leni Robredo, kabilang si dating spokesman Atty. Barry Gutierrez, ang pahayag nang walang basehan na akusahan ng dating Pangulo ang administrasyong Marcos ng paninikil.

Sinabi ni Duterte na kailanman ay hindi niya pinigilan ang sinuman sa pagsasagawa ng kanyang karapatan sa mapayapang pagtitipon subalit pinuna ni Gutierrez ang kanyang panlilinlang.

“Pero nung siya ang nasa poder, inipit, tinakot, ipinakulong, at pinatahimik niya ang oposisyon, media, at tagapagtanggol ng karapatang pantao.”

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang ABS-CBN television network ay hindi lamang sapilitang isinara makaraang mawalan ito ng prangkisa. Pinagbawalan din ng dating Pangulo ang isang reporter na mag-cover sa Palasyo, na nagkaroon ng epekto sa press at rights advocates.

“Wala talagang prinsipyo,” sabi ni Gutierrez sa isang post sa X (dating Twitter) sa pagbulaan sa alegasyon ng dating Pangulo na may kinalaman ang administrasyon sa pagkansela sa kanyang prayer rally sa Tacloban City, Leyte.

Subalit ang rally ni Duterte ay tinututulan ng Taclobanon faithful, na ipagdiriwang ang pista ng Santo Niño de Tacloban sa susunod na buwan.

Sinabi ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na mas gugustuhin ng mga ito na ipagdiwang ang kapistahan kaysa pakinggan ang bastos at kalapastanganan na protesta ng Maisug rallyists.

“They’re celebrating the Feast Day of Santo Niño. Maraming relihiyoso dito. Natatakot din ang mga tao dito. May pagmumura, hindi maganda ang sinasabi. ‘Di naman nila gusto ‘yun,” sabi ni Mayor Romualdez.

“Hindi naman sa kalye inaayos yan. Pag may problema nag-uusap naman. Yung anak nya Vice President, eh di kausapin si Presidente anytime. Kami mga simpleng tao sa Tacloban, ano magagawa naman po namin?” dagdag pa niya.

Sinang-ayunan ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang Taclobanon faithful, at sinabing, “Huwag naman sana gamitin ito na pamamaraan para mambastos. Mas marami pa yatang mura (ang mga naunang rally nila). Wala naman akong naririnig na panalangin.”

Binatikos din ni Mayor Romualdez ang Maisug rallyists sa pamimilit sa mga tao na lumabas gayong nananalasa ang bagyo sa bansa, binigyang-diin na pinoproteksiyunan lamang ng ocal government ang mga mamamayan.

“Huwag na ganon. Bakit palalabasin ang mga tao kung umuulan? Masama ang panahon. Tapos pag may mangyari, syempre sagot din namin yon,” anang local chief executive.

“Hiling ko lang naman sa kanila, dito sa Tacloban, kasagsagan ng Yolanda, natapos ang Yolanda, dini-discourage talaga namin ang rally rally. Wala naman ho maso-solve yan eh,” dagdag pa niya.