DUTERTE NAGLAGAY NA NG KAPALIT NG DOJ ASEC

DUTERTE

NAKAPAGTALAGA  na si Pangulong Rodrigo Duterte ng kapalit sa puwesto ng nagbitiw na si Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Moslemen Macarambon.

Gayunman, tumanggi si Justice Secretary Menardo Guevarra na ihayag kung sino ang ipinalit sa puwesto ni Macarambon at ipinauubaya ang pag-aanunsiyo nito sa Malacañang.

Naniniwala rin si Guevarra na maitutu­ring na termination o pagsibak sa puwesto ang sinapit ni Macarambon na nahaharap sa alegasyon ng katiwa-lian.

Isa si Macarambon sa dalawang assistant secretary na pinagbibitiw ni Pangulong Duterte.

Sa imbestigasyon umano ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), si Macarambon ay madalas umanong pumapagitna para sa mga hinihinalang smuggler ng ginto at iba pang mga mamahaling alahas na nahaharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Itinanggi naman ni Macarambon ang paratang at ipinaliwanag na hiniling lamang niya sa Bureau of Customs na ulitin ang computation sa buwis na dapat bayaran ng kanyang manugang para sa ginto at alahas na kanilang nabili sa halagang P7 milyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.