PABOR si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairperson Dr. Rene Escalante na palitan ang pangalan ng Mactan-Cebu International Airport at gawing Lapu-Lapu International Airport.
Sa ambush interview, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya pabor na ipinapangalan ang mga aiport sa mga dayuhan na hindi naman kadugo ng mga Filipino.
“Alam mo, Magellan was the first invader to set foot here in the Philippines. It was Lapu-Lapu who fought them. Why is he more honored in this country?” sabi ng Pangulo.
Sa kasalukuyan ay mahigpit ang ginagawang koordinasyon ng NHCP sa local government units at mga mambabatas upang maisulong ang pagpapalit ng pangalan ng nabanggit na paliparan at upang lalo pang maipakilala ang pangalan ni Lapu-Lapu hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa ibang bansa.
Nauna nang nagpalabas si Pangulong Duterte ng Executive Order No. 17 noong nakaraang taon na tinaguriang order of Lapu-Lapu na isang presidential award na ipinagkakaloob sa mga Filipino na may naiambag sa mga adbokasiya ng pamahalaan.
Ang ipinakita ni Lapu-Lapu na pagmamahal at pagtatanggol sa bayan ay inaasahang magbibigay ng inspirasyon sa kanyang mga kababayan at marapat lamang na kilalanin ang kanyang pakikipaglaban kay Magellan. EVELYN QUIROZ